KAGYAT na ipinag-utos ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang masusing imbestigasyon sa ipinataw na kaparusahan ng British Boxing Board of Control (BBBofC) kay Pinoy boxing champion John Riel Casimero.
Nitong Miyerkoles, ipinag-utos ni Mitra sa GAB Boxing and Other Contact Sports Division na magsagawa ng independent investigation upang matukoy kung tama ang naging desisyon na alisin si Casimero sa nakatakdang boxing promotion bunsod ng paglabag umano sa medical guidelines ng boxing association.
Nakatakdang idepensa ni Casimero ang WBO bantamweight title laban sa hometown challenger na si Paul Butler sa Liverpool, Englad sa Biyernes (Sabado sa Manila). Ngunit tinanggal sa boxing card si Casimero dahil sa paggamit nito sa sauna bago ang opisyal na weigh-in na isa umanong paglabag sa boxing regulation.
Ipinarating ng BBBofC ang naging desisyon sa manager ni Casimiro na si Egis Klimas.
“As the country’s pro boxing regulatory agency, we strongly condemn and discourage the commission of any illegal acts or violation of boxing rules. We will surely look into this and summon Mr. Casimero and his team to shed light on the issue,” pahayag ni Mitra.
Orihinal na nakatakda ang laban ni Casimero kay Butler noong Disyembre 2021 ngunit naunsiyami matapios magtamo ng viral gastritis ang Pinoy champion. Binawi ang korona kay Casimero subalit naibalik din kalaunan matapos mapatunayan ng WBO na nagtamo ng karamdaman si Casimero.
Ipinalit ng WBO si Jonas Sultan, pambato ng Zamboanga del Norte, kay Casimero para sa interim WBO bantamweight title fight kontra Butler.
Naging ganap na world title contender si Sultan nang labanan ang kababayan ding si Jerwin Ancajas para sa IBF belt noong 2018. Nagawa naman niyang gapiin si Casimero sa world title eliminator. EDWIN ROLLON