SI Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte-Carpio ang isa sa mga nangungunang pagpipiliang kandidato sa Mayo 2019 senatorial elections kung ngayon na gaganapin ang botohan.
Base sa pinakahuling Pulse Asia June 2018 nationwide survey para sa May 2019 senatorial elections, si Duterte-Carpio ay nasa pagitan ng 3rd at 5th place sa senatorial race na may 46.2 porsiyento ng level of support ng mga Filipino.
Ang pinakahuling ranking ni Duterte-Carpio ay mas napabuti kompara sa Pulse Asia March survey kung saan ay nasa pagitan lamang siya ng 4th at 7th place na may suporta na 43.8 porsiyento ng mga Filipino.
Si Duterte-Carpio lamang ang malamang na senatorial candidate na hindi incumbent o dating miyembro ng Kongreso na pumuwesto sa top five.
Ang top choice ay si Senador Grace Poe sa may halos 58 posibleng senatorial bets sa 2019 senatorial elections na sinundan ni Taguig City Representative Pia Cayetano, na may 55.7 porsiyento; Senador Cynthia Villar na may 50.1 porsiyentong voter preference at Senador Edgardo Angara Jr., na may 41.9 porsiyento.
Nasa ika-7 puwesto si Bureau of Corrections chief, Ronald dela Rosa, nasa ika-25 puwesto si Political Adviser Francis Tolentino, ika-28 naman si Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go at ika-30 puwesto si Presidential Spokesman Harry Roque.
Ang survey ay isinagawa sa may 1,800 registered adult voters nationwide. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.