CAVITE- ARESTADO ang 29 katao kabilang ang limang foreign national nang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang scam hub sa Kawit sa lalawigang ito.
Ito ay makaraang magpositibo ang operasyon ng NBI sa isang scam hub na pagpapatakbo ng iba’t ibang uri ng scam tulad ng romance scam, investment scam, crypto scam, impersonation scam at credential stuffing.
Nabatid na 24 Pinoy ang inaresto bilang mga trabahador ng limang foreign national kabilang ang tatlong Chinese at dalawang Malaysian.
Sa operasyon ay nadiskubre rin ang isang scam showroom kung saan naka-display ang mga pekeng luxury item at iba’t ibang mga mamahaling produkto upang mapaniwala ang mga biktima sa kanilang mga scam.
Nahaharap ang 29 suspek sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act.
SID SAMANIEGO