PHNOM PENH. – Sinindihan ng isang obstacle racer na may championship pedigree at isang fitness model ang five-gold haul ng Pilipinas nitong Sabado habang napanatili ng host Cambodia ang maagang liderato sa 32nd Southeast Asian Games dito.
Sumabak sa obstacle course 100m event sa harap ng malaking crowd sa Chroy Changvar Convention Center Car Park, si Mark Julian Rodelas, 35, pamangkin ni athletics great Elma Muros Posadas, ay naghari sa men’s individual class habang dinomina ni Precious Cabuya ang women’s division.
Sinimulan ni Sakura Alforte ang kampanya ng bansa sa three-day karate event sa pagkopo ng women’s individual kata gold, Ibinigay ni Annie Ramirez ang ikalawang gold sa jiu jitsu at kuminang ang mixed relay team sa aquathlon na binubuo nina Matthew Justine Hermosa, Inaki Emil Lorbes, Kira Ellis at Erika Nicole Burgos.
Ang naturang limang golds ay nasungkit makaraang ibigay ni Jenna Kaila Napolis ang unang ginto ng bansa sa jiu-jitsu na sinundan ng tagumpay ni Angel Gwen Derla sa ancient Cambodian martial of kun-bokator noong Huwebes.
Isang araw makaraan ang formal opening ceremonies ng games na hinohost sa unang pagkakataon ng Cambodia, ang Pilipinas ay nakalikom ng kabuuang 7 golds, sapat para sa second overall sa likod ng host squad na sasalang sa aksiyon sa Linggo na may 11-8-6 marka.
Isa sa heart-breakers para sa araw ay ang silver medal finish ni Junna Tsukii sa karate na ikinagulat ng Fil-Japanese, kumbinsido na siya ang nanalo kontra Malaysian Chandran Shamalarani, na idineklarang nagwagi sa 2-3 decision sa individual female -50kg kumite.
“I cannot understand the judges and the referee, why they gave the decision to her. I was really surprised with the decision. I’m sorry, this is not the color of the medal that we wanted but that’s it,” sabi ni Tsukii, 31, ang 2022 Birmingham World Games gold medalist.
Umabante ang Gilas Pilipinas at Gilas women 3×3 squads sa semifinals, isang araw bago dumating dito ang Gilas 5-on-5 team.
Winalis ng men’s team nina Almond Vosotros, Lervin Flores, Joseph Eriobu, at Joseph Sedurifa ang group stage sa mga panalo kontra Laos, 21-5; Vietnam, 21-13; at Indonesia, 21-11, sa Group A habang women’s squad nina Jack Animam, Afril Bernardino, Janine Pontejos, at Mikka Cacho ay nabigo sa una sa 21-19 pagkatalo sa Vietnam subalit bumawi sa Group A laban sa Laos, 21-6, at reigning champion Thailand, 14-8.
Tatlong swimmers – Jerard Jacinto, Thanya dela Cruz, at Jarod Hatch – ang umusad sa finals na idinadaos hanggang press time.
Pinanood nina Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann at Philippine Olympic Committee
president Abraham Tolentino, hinubaran ng korona ni Rodelas si 2019 champion Kevin Pascua sa all-Filipino duel, sa oras na 25.1939 seconds kontra sa 26.8135 ng huli.
Naorasan si Cabuya ng 32.7317 sa women’s finals, habang nagkasya ang kababayang si Kaizen dela Serna sa 35.5218 sa second.
-CLYDE MARIANO