SEAG: GOLD MEDAL SWEEP TARGET NI YULO

Carloss Yulo

SA FULL support na ipagkakaloob ng Philippine Sports Commission (PSC), inaasahang mananalasa si Pinoy gymnast Carlos Yulo sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.

Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines secretary general Bettina Pou, target ni Yulo na mawalis ang lahat ng kanyang pitong events sa men’s gymnastics competition ng SEA Games kasunod ng kanyang golden performance sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships noong Sabado sa Stuttgart, Germany.

Nakopo ng teen sensation ang gold medal sa floor exercise event upang maging unang Pinoy na nangibabaw sa pinakamalaki at pinakakumpetitibong gymnastics competition sa mundo.

Nangako si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na ibibigay kay Yulo ang lahat ng suporta na kanyang kinakailangan, kabilang ang pagbuo ng isang team ng physiotherapist, sports nutritionist at sports psychologist upang i-monitor ang kanyang paghahanda para sa SEA Games at Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Magkakaloob din ang pamahalaan ng cash incentive na P1 million para sa kanyang tagumpay sa world championships.

“The government will go all out in supporting Caloy and other deserving athletes as they prepare for the SEA Games and the Olympics next year,” wika ni  Ramirez, na siya ring chief of mission ng Team Philippines sa prestihiyosong  biennial meet na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.

“The PSC has been supporting the training of Caloy in Japan for the past couple of years. We’re planning to further increase that level of support because we believe that he has what it takes to make us proud in the SEA Games and the Olympics next year.”

Ito ang unang pagkakataon na sasabak sa SEA Games ang 19-anyos na si Yulo.

Comments are closed.