SEKYU, MATAGUMPAY NANG TAILOR SA BARKO

SA sobrang awa sa kanyang ina na siya na lamang ang  nagtatrabaho matapos pumanaw  ang kanyang ama, nagdesisyon si Rachel Roncales na tumigil na lamang sa pag-aaral sa kolehiyo, sumama sa kapatid sa Maynila at namasukan bilang security guard hanggang sa naging mananahi sa isang garment factory.

Gayunpaman, nahirapan sa trabaho at naliitan sa sahod mula sa dalawa nitong naging trabaho kaya nagdesisyon na lamang si Rachel na mag-aral sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)  Women’s Center (TWC) ng kursong  Dressmaking NC ll.

Rachel Roncales
Rachel Roncales

Sa paglalarawan ni Rachel, sobrang hirap ng buhay ng kanyang pamilya sa Lapinig, Samar. Magsasaka ang kanyang ama at maybahay naman ang kanyang ina, siyam silang magkakapatid.

Nag-aral siya ng college sa Borongan, Eastern Samar ng kursong Information Technology (IT) subalit hindi n’ya ito natapos dahil sa hirap ng buhay.

“Nakapag-iisip ako na ‘di na ako tutuloy, huminto na ako dahil naawa na ako sa nanay ko.  Siya na lang ang nagtatrabaho sa bukid, wala na ang tatay ko,” pahayag ni Rachel.

Ayon kay Rachel, sarili nilang lupa ang sinasaka ng kanilang ama subalit hindi umano nakasasapat para tustusan ang pangangailan ng kanilang pamilya.  Sa katunayan umano, tumutulong pa ang kanilang lola at lolo  sa pagkain at pag-aaral nilang magkakapatid.

Matapos umano siyang  tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo, sumama na siya sa isa niyang kuya papuntang Maynila at namasukan bilang security guard.  Nang mahirapan sa kanyang trabaho bilang security guard, lumipat naman siya sa garment factory at ginamit ang kanyang kaalaman sa pananahi na kanyang natutuhan mula sa kanyang nanay.

Hanggang narinig umano nito na may ino-offer na dressmaking sa TWC.  Nag-inquire siya at nag-enroll.

Pagka-graduate umano n’ya sa TESDA, pumasok siya sa isang tailoring shop sa loob ng dalawang buwan. Dito umano siya nahasa nang husto sa pananahi, cutting at pagawa ng pattern.

Hanggang sa sinabihan umano siya ng taga-TWC na may hiring sa Carnival Cruise Line.  Agad siyang nag-aplay at natanggap agad bilang tailor.

Nagsimula umano siyang magbarko noong 2013 hanggang sa kasalukuyan. Ang kontrata umano niya ay mula walo hanggang siyam na buwan.  Dalawang buwan umano siyang magpapahinga at sasampa na muli.

Noong una, labis siyang nahihirapan  sa kanyang pagtatrabaho sa barko dahil sa pa­ngungulila sa  pamilya, walang kakilala, walang kakampi, subalit tiniis umano n’ya lahat ito para sa pamilya bitbit ang pangarap na magkaroon ng magandang buhay.

Sa loob umano ng anim na taon nitong pagbabarko, natulu­ngan niya ang kanyang pamilya, partikular umano sa pagpapaaral ng kanyang mga pamangkin, pagbibigay ng puhunan sa negosyo  sa ilan nitong mga kapatid, nakapagpagawa ng bahay, may sa­vings at nagsisimula na sa isang negosyo na pag-aalaga ng mga bibe at itik sa kanilang lalawigan.

“Malaki ang tulong sa akin ng TESDA sa buhay ko, nabago ang buhay ko, malaki ang nai­tulong hindi lang sa akin, pati sa pamilya ko,” ayon kay Rachel.

Sinabi ni Rachel, na inirerekomenda niya sa mga mahihirap na kabataan, kaanak, kaibigan lalo na sa kanyang mga kababayan na mag-aral ng technical-vocational courses (tech-voc) sa TESDA dahil malaki ang maitutulong nito upang matupad ang kanilang pangarap na guminhawa, magkaroon ng trabaho at makapag-abroad.

“Ang masisiring ko han mga taga-Samar, kon may ada hinupag nga kabugwason hira kinabuhi, mag-try mag-TESDA.  Usa ako nga graduate ng TESDA Women’s Center, nangarap, ade na ako na masisiring ko ha iyo, mag-try kamo para makakuha niyo at it iyo karigsi nyo kinabuhi na magin success.  Usa na ako nga ebidensya ng TESDA na nag-success sa buhay”! (Ang masasabi ko sa mga taga-Samar, kung mayroon silang pangarap para sa kanilang kinabukasan, sa kanilang buhay, mag try-mag-TESDA. Isa akong graduate ng TESDA Women’s Center, nangarap, at eto na ako na masasabi ko sa inyo na mag-try kayo para makuha niyo ang mga gusto niyo sa buhay na magkaroon ng success. Isa akong ebidensiya ng TESDA na nag-succeed sa buhay!

Comments are closed.