PARIS – Magbabalik si rower Joanie Delgaco sa posh Vaires-sur-Marne Nautical Stadium ngayong hapon para sa pinakamalaking karera ng kanyang buhay.
Nabunot kasama mismo ang reigning champ at mabibigat na kalaban mula sa Europe sa Heat 3 ng quarterfinals, si Delgaco ay nahaharap sa matinding laban sa karera para sa top three na aabante sa semifinals A at B (medal contention).
Subalit walang atrasan para sa 26-year-old Iriga native, isa sa apat lamang na Asians na nakapasok sa top 24 ng women’s single sculls sa Paris Games.
Nakamit niya ang layunin na mapabilang sa top five Asians dito, at nais niya ngayong makasama sa top 20 overall.
Si Delgaco ay awtomatikong mapapabilang sa top 12 kapag nakapasok siya sa semifinals A at B.
Subalit sa oras na 7:55.00 sa repechage at 7:56.26 sa heats, kakailanganin ni Delgaco na maglayag sa milya-milyang tubig para makahabol sa world powers.
Sa kanyang quarterfinals heat pa lamang, naroon sina Tokyo gold medalist Emma Twigg ng New Zealand, dating under-23 world champion Katharina Jansen ng Switzerland, Virginia Diaz ng Spain, Diana Dymchenko ng Azerbaijan at Jovana Arsic ng Serbia.
Si Twigg, dati ring world champion, four-time silver winner at three-bronze holder, ay may remarkable 7:13.97 clocking sa pagkopo ng top podium finish sa Tokyo.
At ang iba ay mas mabilis ang oras kay Delgaco sa mga naunang karera rito. Ang tagubilin ng Filipino officials kay Delgaco ay manatiling nakapokus at ibigay ang lahat ng kanyang makakaya.
Ang iba pang Asians na sasabak sa quarterfinals ay sina Iranian Fatemeh Mojallaltopraghghale, Vietnamese Thi Hue Pham at Uzbek Anna Prakaten.