SEMIS TARGET NG LADY BLAZERS

Standings W L
Benilde 6 0
Perpetual 4 1
Letran 4 1
Arellano 4 2
LPU 4 2
Mapua 4 2
EAC 1 4
San Beda 1 4
SSC-R 0 6
JRU 0 6

Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – Perpetual vs San Beda (Men)
12 noon – Perpetual vs San Beda (Women)
2 p.m. – Letran vs Benilde (Women)
4:30 p.m. – Letran vs Benilde (Men)

PUNTIRYA ng defending champion College of Saint Benilde ang unang semifinals berth sa pagharap sa Letran sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa San Andres Sports Complex.

Mapapalaban sa Lady Knights na nagbigay sa kanila ng nag-iisang set loss sa perfect 11-0 title run noong nakaraang taon, ang Lady Blazers ay handa para sa isa na namang mabigat na laban sa 2 p.m. match.

Makakasagupa ng University of Perpetual Help System Dalta, may 4-1 record katabla ang Letran sa second place, ang San Beda sa isa pang laro sa alas-12 ng tanghali.

Ang Benilde ay nahila sa five setters sa kanilang huling dalawang laro, kabilang ang 25-22, 25-16, 24-26, 22-25, 15-13 panalo kontra Mapua noong Biyernes.

Pangungunahan ni Gayle Pascual, ang kasalukuyang leading scorer at attacker ng liga, ang Lady Blazers.

Nanalo ang Lady Knights sa kanilang huling tatlong laro upang makisalo sa No. 2 spot at ang pagbabalik ni Cha Cuñada mula sa injury ay tiyak na magpapalakas sa koponan.

Ang Mary Rhose Dapol-led Lady Altas ay inaasahang magtatala ng panibagong win streak kontra Lady Red Spikers.

Makaraang malasap ang kanilang unang kabiguan sa season sa Benilde, naibalik ng Perpetual ang kanilang winning ways sa 26-24, 25-23, 25-16 pagbasura sa San Sebastian noong nakaraang Linggo.

Umaasa naman ang San Beda na masundan ang 25-22, 25-21, 25-16 panalo laban sa JRU noong Linggo.