DAPAT tiyakin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang reclamation projects na kanilang ipatutupad, lalo na sa agricultural areas tulad ng Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija ay hindi matatamaan ng baha.
Iginiit ito kahapon ni Sen. Robin Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works, kung saan tinalakay ang mga panukalang batas kasama ang tungkol sa flood control projects.
“Kasi ang reclamation, ‘yan ay tanda ng pag-unlad ng isang bansa. Ito ay ginagawa talaga at ako ay hindi kontra rito. Pero sana bilang kayo sa DPWH at kayo po ang aming inaasahan dito, dahil hindi lamang po Bulacan ang bumabaha.
Pampanga, Nueva Ecija, tinatamaan po nito. Pagka ang mga lugar na ‘yan binaha, ibig pong sabihin, mga magsasaka ang tinatamaan dito. E, dugtong-dugtong na po ‘yan. Pagka sinabi nating magsasaka, tamaan na naman po tayo, importation na naman kaliwa’t kanan. E, hindi na po matatapos ang problema ng ating bayan,” aniya.
Sinabi ng senador na maraming bansa at teritoryo ang nabisita niya tulad ng Netherlands, Singapore, Macau, Hong Kong at Dubai, na may reclamation projects, ngunit hindi naman bumaha nang malala.
Dagdag pa niya, ang importante ay tama ang gawa ng ganitong proyekto at ito ang kanilang babantayan.
Nakiusap si Padilla sa DPWH na sana ay matugunan ng mga proyekto tulad ng 60-km floodway, ang problema sa pagbabaha.
“Lahat po tayo ay public servant. Nakikiusap po kami sa inyo. At gusto ko pong ulitin na ‘di ako kontra sa reclamation. ‘Yun lamang pong baha, problema pa ‘yan ng lolo ko, sana po ay maayos natin,” aniya.
“Tama ho ang sinabi ni Sen. Robin. I also support reclamation kung tama ang gagawin,” pagsang-ayon ni Senador Joel Villanueva.
-VICKY CERVALES