MAGKAKAROON ng senior citizen vaccination day sa National Capital Region (NCR) sa Huwebes, Enero 6.
Tututukan sa naturang araw ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga may edad 60 pataas, ayon kay Dr. Amelia Medina ng DOH-NCR.
May higit 52,000 o 5 porsiyento ng senior population ng rehiyon ang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 habang higit 763,000 ang kuwalipikadong magpa-booster, ayon sa DOH-NCR.
“This day, talagang nakalaan lang po siya sa ating mga senior citizen… including of course their guardian,” sabi ni Medina.
Isa ang senior citizens sa mga grupong vulnerable o delikado sa COVID-19.
“This is for us to decrease the number of hospitalizations, because if they get the primary doses and they get boosted, definitely, they will get milder symptoms,” dagdag ni Medina.
Sa Huwebes, pre-registered o hindi, tatanggapin ang lahat ng eligible seniors sa COVID-19 vaccination sites sa Metro Manila.
Gagawin ding available sa mga bakunahan ang maraming brand ng bakuna para may mapagpilian sila.
Samantala, dumami rin ang mga gustong magpabakuna kontra COVID-19 sa Metro Manila simula noong Lunes, matapos ianunsiyo na lilimitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado sa ilalim ng Alert Level 3.
Inilagay ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19, na hinihinalang dahil sa mas nakakahawang Omicron variant.
Pumalo na sa lampas 50 milyong indibidwal ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa Pilipinas.