SERBIA SA WORLD CUP FINALS

PASOK na ang Serbia sa 2023 FIBA World Cup finals.

Pinataob ng world no. 6 Serbia ang Canada, 95-86, sa semifinals ng torneo nitong Biyernes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sumandal ang Serbians sa malakas na first half at tinapos ito na may 52-39 kalamangan, bago pinalobo ang bentahe sa 17, 80-63, sa kaagahan ng final frame.

Nanguna para sa Serbian squad si Bogdan Bogdanovic na may 23 points, 3 assists, at 4 rebounds, habang nagdagdag si Ognjen Dobric ng 16 makers,

Nagbuhos si RJ Barrett ng 23 points at 3 rebounds upang pangunahan ang Canadians at nag-ambag si Shai Gilgeous-Alexander ng 15 points at 10 assists.

Makakasagupa ng Serbia sa finals ang mananalo sa Team USA at Germany na nagpapambuno hanggang press time.

Makakaharap naman ng Canada ang matatalo sa parehong matchup para sa Battle for Third place ng World Cup.

Ang Serbia ay huling nakapasok sa finals sa 2014 World Cup kung saan nabigo sila sa United States. Noong 2019, ang Serbia ay tumapos sa ika-5 puwesto.