SERBISYO NG MRT-3 GAGANDA NA

MRT 3-b

UMAASA ang Department of Transportation (DOTr) na mararamdaman na ang pagganda ng serbisyo ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa third quarter ng susunod na taon kasunod ng paglagda sa P18-billion loan agreement para sa rehabilitas­yon nito ng mga pamahalaan ng Filipinas at Japan.

“The PHP18-billion loan agreement between the Philippine and Japanese governments will address the persisting problems of the MRT-3 and improve its systems to deliver a fast, reliable, and safe transportation to commuters,” wika ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

Ang loan deal ay nilagdaan nina Finance Sec. Carlos Dominguez III at Japan International Cooperation Agency (JICA) Senior Vice President Yasushi Tanaka sa tanggapan ng Department of Finance (DOF) sa Manila kamakalawa.

Nakapaloob sa pautang ang interest rate na 0.1% kada taon at may repayment period na 28 taon makalipas ang 12 taong grace period.

Sinabi ni Batan na posibleng madagdagan ang train capacity matapos ang siyam na buwan na rehabilitasyon.

Habang ang full restoration naman o ang pagbabalik sa MRT sa una nitong kondisyon ay maaaring maisakatuparan pagkatapos ng 26 buwang pagsasaayos.

Umaasa ang pamunuan ng MRT na sa panahon ng rehabilitation ay kanilang mapabibilis ang takbo ng mga train mula 30 kph hanggang  60 kph at mapadadali rin ang  train intervals ng hanggang tatlong minuto mula sa kasalukuyang 7 hanggang 10 minuto.

“Ang inaasahan din natin pagkatapos ng 26 month rehabilitation natin ay mawala na ‘yung mga aber­ya na dinanas natin nitong mga nakaraang taon,” pahayag pa ng opisyal.

Ang Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ng Japan ang muling magsasagawa sa maintenance at rehabilitasyon ng MRT-3.

Nabatid na ang Sumitomo ang unang maintenance contractor ng MRT-3 sa unang 12 taon ng operasyon nito.

Sinasabing aabutin ng 43 buwan ang kumpletong rehabilitasyon ng MRT-3 kung saan kasama na sa mga aayusin ang power supply, CCTV system, radio and public address system, signaling system, elevators at escalators sa mga istasyon.    VERLIN RUIZ

Comments are closed.