SI BUTCH AT ANG MATIBAY NA PUNDASYON

pick n roll

KUNG hindi sira ang kagamitan, walang dahilan para palitan. Gayundin dapat ang isang sistema at programa na napatunayang epektibo at naka-pagbigay ng produksiyon sa tagumpay ng atletang Pinoy sa abroad, higit sa major…major…international competition na Olympics.

Sa ngayon pa lang ito na ang hiling at dalangin, higit at nakasanayan na o sabihing naging kalakaran na itigil, itabi sa sulok at ihimpil sa kawalan ang programa sa panahong may bagong administrasyon na may tangan sa upuan sa Malakanyang.

Kung sino ang nasa timon, tiyak siya ang bida. Ang mga malalapit sa kusina, siguradong botchok sa kabusugan. Abusado sa kapangyarihan. Iwing saksi kung aalatin ang masa, kabilang na ang atletang Pinoy.

Wala nang isang taon at muling pipila sina Juan at Juana para ihalal ang bagong pinuno ng Bayan. Wala pang katiyakan. Hindi pa klaro ang labanan. Ngunit, ngayon pa lamang ay nagmamanik-luhod na ang atletang Pinoy. Wala sanang mabago sa kanilang katayuan, anuman ang maging ganap sa nalalapit na halalan.

Bakit nga ba nag-aalala ang atletang Pinoy? Kaunting halukay sa nakaraan.

Taong 2016, muling iniluklok bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) si William ‘Butch’ Ramirez, kasama ang kanyang mga Commissioners na sina basketball living legend Ramon ‘Mon’ Fernandez, Arnold Agustin, Celia Kiram at dating sports editor mula sa Davao na si Charles Maxey. Taga-Davao din si Butch. Isang educator, professor at coach. Kababayan ng Pangulong Duterte. Kakilala, kaalyado, kabisig. May mali ba sa pagpili sa kanya? Wala, Nada!

Panahon ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang unang maging PSC chief si Ramirez. At noong 2005 hosting ng Southeast Asian Games, nakamit ng bansa ang overall championship sa kanyang liderato.

Sa kanyang pamumuno nitong 2019, muling naulit ng Pilipinas ang paghahari sa SEA Games. Balik sa 2018, matikas ang naging kampanya ng bansa sa Asian Games sa Indonesia.

At sa kasalukuyan, nananatiling nagdiriwang ang sambayanan na tila nakikipaglaro sa ulap at mga bituin. Sinsarap ang pakiramdam tulad sa mga batang nagtatampisaw sa ilog at dalampasigan habang bumubuhos ang ulan.

At sino ang ‘di mapapasayaw sa ulan? At sino ang ‘di mababaliw sa ulan? Itanong ninyo sa bandang Rivermaya. Ngunit, sa tagumpay ng atletang Pinoy, bakit hindi itanong kay Butch?

Tiyak, walang gatol at direkta ang sagot ng sports leader mula sa Davao.

Mula sa dating P15,000, itinaas ng PSC ang monthly allowances ng mga tinaguriang elite athletes sa P45,000. Bawat sports associations, maliban na lamang sa panahon ng pandemya ay binigyan ng pagkakataon, sapat na pondo para sa pagsasanay ng kani-kanilang mga atleta at partisipasyon sa kompetisyon sa abroad.

Maayos na quarters bilang pansamantalang tahanan. Sariling kantina para sa masaganang hapag-kainan. Tamang sports equipment. Ano pa?

At para sa mga atletang may mga tsansang makasungkit ng Olympic slots, kabilang ang 19 na atleta na sumabak sa Tokyo Games, ibinigay ng pamahalaan ang nararapat para sa kanilang kahandaan. Humiling si Hidilyn Diaz ng sariling kampo at ibinigay ng PSC ang Team Hidilyn.

Sa Tokyo, kasaysayan ang nilikha ng Team Philippines, tampok ang kauna-unahang gintong medalya mula kay Hidilyn sa weightlifting. Dalawang silver at isang bronze mula sa tatlong magigiting na boxers – Nesthy Petencio, Carlo Paalam at Eumier Marcial.

Pinakaproduktibong bansa sa Southeast Asia ang Pilipinas sa Tokyo Games. Kauna-unahan sa kasaysayan ng partisipasyon ng bansa.

Napatunayan na kaya kung sama-sama at may mga lider na tapat at naniniwala sa matibay na programa. Sa Hunyo, nasa kamay ng sambayanan ang desisyon. Dapat bang baguhin ang kasalukuyan? O umabante sa pundasyon na matibay.



(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])

8 thoughts on “SI BUTCH AT ANG MATIBAY NA PUNDASYON”

Comments are closed.