(NI CT SARIGUMBA)
PAGKAKAROON ng sariling negosyo, ito ang pangarap ng bawat Pinoy. Kaya marami sa atin ang nagtutungo sa ibang bansa at doon nagtatrabaho. Kapag tinanong mo kung bakit mas pinipili nilang magtrabaho sa ibang bansa, palaging dahilan nila ang malaking suweldo sa ibang bansa kumpara rito sa Filipinas. At kung malaki ang suweldo, madaling makaiipon at makapagpapatayo kaagad ng kahit na maliit na munang negosyo.
Nagsisikap ang marami sa atin upang magkaroon ng pampuhunan sa negosyo. Pero hindi nagtatapos sa pagkakaroon ng pampuhunan upang makapagpatayo ka ng nais mong mapagkakakitaan. Maraming salik ang dapat na matutunan nang kumita at lumago ang isang negosyo.
Para magtuloy-tuloy ang paglago ng isang negosyo, may mga dapat tayong alamin at matutunan, gaya na lamang ng sumusunod:
TAGUMPAY NA NAIS MAKAMTAN
Hindi sapat ang pagkakaroon ng negosyo. Hindi porke’t naitayo mo na ang pangarap mong negosyo ay makakampante ka na.
Marami ka pang kailangang gawin, unang-una na nga riyan ay ang patuloy na pag-abot sa tagumpay.
Dapat ay hindi tayo nakakampante. Kailangang patuloy tayong nag-iisip at gumagawa ng iba’t ibang paraan o hakbang nang magtuloy-tuloy sa paglago ang isang negosyo.
PATULOY NA MAGPLANO AT MAGING FLEXIBLE
Bago nga naman tayo magtayo ng negosyo ay may ginagawa na tayong plano. Hindi naman puwedeng basta-basta ang pagpapatayo ng isang business. Kailangang napag-iisipan itong mabuti. Kailangang handa ka rin sa gagawin mong hakbang.
At para patuloy na maging handa sa mga maaaring mangyari, kailangan ding may plano tayong nakahanda sabihin mang naitayo na ang iyong negoyso at kumikita na ito.
Mahalaga ang pagpaplano sa kahit na anong bagay. Bukod din sa patuloy na paggawa at paghahanda ng plano, maging flexible rin. Kailangang hindi tayo ganoon kahigpit sa kung anumang planong mayroon tayo. Maging flexible o kumbaga, maging handa tayo sa mga last minute na pagbabago. Lalo na kung ang pagbabagong iyon ay makagaganda sa ating business.
GAMITIN ANG KAALAMAN O EXPERTISE
Mas mapalalago rin natin ang isang negosyo kung alam natin ang pasikot-sikot nito at may pagmamahal tayo sa ating sinimulan o itinayo.
Sa pagtatayo nga naman ng negosyo, mahalagang gusto at mahal mo ito nang ano man ang kaharaping pagsubok, magagawa mong lampasan.
Mahalaga ring nagagamit ang kaalaman o expertise nang patuloy na lumago ang isang negosyo. Mag-focus din sa strength na mayroon ka.
MATUTONG MAG-RELAX NANG HINDI MA-BURN OUT
Hindi rin tamang pawang trabaho lang ang gagawin natin at ‘di na tayo maglalaan ng panahon at oras sa sarili at pamilya.
Mahalagang nakapagpo-focus tayo sa ating negosyo. Pero hindi rin naman tamang wala na tayong pahinga.
Mahalagang nakapagre-relax nang maging fresh ang utak at makaisip ng magagandang ideya upang mapalago pang lalo ang isang negosyo.
Kung hindi rin tayo nakapagpapahinga, maaaring ma-burn out tayo’t mawalan ng ganang magtrabaho.
Panatilihin nating healthy ang kabuuan nang maging healthy rin ang ating negosyo. Kaya hindi lamang negosyo ang kailangan nating alagaan kundi maging ang sarili.
HUWAG MATAKOT NA MAGKAMALI
Maraming pagkakataong nakagagawa tayo ng pagkakamali. Mga desisyong akala natin ay okay pero hindi naman pala.
Huwag tayong matakot na magkamali. Kung sakali mang hindi nakabuti ang desisyong ginawa, gawin natin itong ehemplo o aral. Kumbaga, matuto tayo sa mga nagagawa nating pagkakamali at sa susunod, mag-ingat na sa paggawa ng desisyon.
HUWAG SUSUKO AT PATULOY NA LUMABAN
Talunan lang ang sumusuko, isa iyan sa dapat nating tandaan. At kung ayaw mong maging talunan, huwag kang susuko at patuloy lang na lumaban sa kabila ng kaliwa’t kanang problemang dumarating sa ating buhay at maging sa negosyo.
Hindi nawawala ang pagsubok. Hindi nawawala ang problemang kumakapit-kapit sa atin sa araw-araw. gayunpaman, huwag tayong matakot, sumuko’t umayaw. Lumaban tayo. patuloy tayong lumaban sa kabila ng mga problemang kinahaharap natin.
Tandaan din nating bawat problema at pagsubok ay laging may kapalit na magandang nangyayari. Maging positibo rin tayo—ano man ang ating pinagdaraanan.
Hindi madali ang maging negosyante. Marami kang kahaharaping problema. Nariyan ang napupuyat ka sa raming isipin at kailangang solusyonang problema. Kung minsan pa nga, dahil naka-focus tayo sa ating negosyo ay nawawalan na tayo ng panahon sa ating pamilya. Naiintindihan man ng mga mahal natin sa buhay ang ating ginagawa, importante pa ring nababalanse natin ang mga bagay-bagay. Kumbaga, magkaroon din tayo ng panahon sa ating sarili, lalong-lalo na sa ating pamilya. Dahil ang tagumpay ng isang negosyo ay tagumpay ng buong pamilya. Mas magiging maligaya rin tayo kung kompleto at masaya ang ating buong pamilya habang inaani natin ang tagumpay na tinatamasa sa itinayong negosyo o business. (photos mula sa business-achievers.com, lisalarter.com, smallbusiness.co.uk, hiscox.co.uk)
Comments are closed.