ITUTURING nang kolorum o ilegal ang mga jeepney na ang prangkisa ay nananatiling unconsolidated matapos ang Abril 30, ayon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na wala nang panibagong extension ang deadline para sa franchise consolidation sa kabila ng isinasagawang protesta ng transport groups laban dito.
Simula ngayong Mayo 1, ang PUJs na hindi nag-aplay para sa consolidation ay ituturing na nag-o-operate nang ilegal. Gayunman, ang jeepney operators na hindi nag-consolidate ng kanilang prangkisa ay hindi agad parurusahan.
“Technically they are already colorum, but there is such a thing as a day in court. We will give them that benefit. we will give them that opportunity,” sabi ni Guadiz.
Ito’y sa pamamagitan ng isang show cause order, kung saan pagpapaliwanagin ang mga operator kung bakit hindi sila nag-consolidate.
Subalit sa ikalawang linggo ng Mayo, magsisimula na ang LTFRB na mag-deploy ng enforcers upang i-check ang mga dokumento ng mga jeepney.
Mag-iisyu ang LTFRB enforcers ng traffic citation tickets sa mga driver na mahuhuling gumagamit ng colorum vehicles, at papatawan ng 1-year suspension ang kanilang driver’s license.
Ayon pa sa LTFRB chief, ang mga kolorum na sasakyan ay i-impound at pagmumultahin ang operator ng P50,000.