(Sinalanta ni ‘Odette’) P9.4-B DAGDAG BUDGET SA DINAGAT ISLANDS REHAB

HUMIHINGI  si Dinagat Islands Rep. Alan Ecleo sa House Committee on Appropriations ng dagdag na pondo sa 2022 national budget para sa rehabilitasyon ng Dinagat Islands na winasak ng bagyong Odette.

Sa House Resolution 2464, nasa P9.4 billion ang budget augmentation na hinihingi ng kongresista para sa reconstruction at rehabilitation ng kanyang distrito.

Umapela ang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang resolusyon upang tulungang makabangon agad ang Dinagat Islands.

Gagamitin ang pondo para sa mga nasirang bahay, pananim, edukasyon at maiwasan ang posibilidad ng “failure of election” bunsod ng mga nasirang imprastraktura.

Kasabay nito ay nag-privilege speech din si Ecleo kung saan inilabas niya ang kanyang sama ng loob na matapos ang hagupit ng bagyo ay agad silang humingi ng saklolo sa national government subalit katahimikan at rejection lamang ang kanilang natanggap.

Punto pa ng mambabatas, ang Dinagat Islands ay isa sa mga probinsya sa lubhang napinsala ng bagyong Odette.

Aabot, aniya, sa 37,033 na pamilya sa probinsya ang apektado ng kalamidad, 16,000 na mga tahanan ang totally damaged at 85% ng mga paaralan ang nasira ng bagyo. CONDE BATAC