EPEKTIBO na kahapon, Huwebes, ang adjusted work schedule para sa mga empleyado ng local governments sa National Capital Region (NCR), ayon sa Metro Manila Council (MMC).
Upang maibsan ang problema sa trapiko, nagpasya ang mga alkalde sa Metro Manila na baguhin ang working hours sa kanilang city at municipal government offices sa alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon kay MMC president Francis Zamora, ang bagong work schedule ay inaasahang makatutulong sa daloy ng trapiko.
“Sapagkat ang layunin natin umiwas ‘yung mahigit 100,000 kawani ng mga pamahalaang lungsod dito sa Metro Manila sa rush hour,” aniya.
Dagdag pa ni Zamora, babantayan nila ang bilang ng mga sasakyan at ang sitwasyon ng trapiko upang masuri ang epekto ng alternative work schedule.
Sa initial period ng mas maagang working hours, sinabi ni Zamora na ang skeletal forces sa vital services ay kailangang magtrabaho mula alas-4 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon upang ma-accommodate ang mga mamamayan na walang kamalay-malay sa mga pagbabago.
Nauna rito ay nagpasa ang MMC, na binubuo ng 17 LGUs sa NCR, ng isang resolution na nagmamandato sa adjustment ng working hours sa LGUs.
“The persistent traffic congestion in Metro Manila demands innovative solutions for the improvement of commuting conditions and the well-being of the citizens of the NCR,” nakasaad sa resolution.
“The findings derived from the MMDA study underscore the potential effectiveness of implementing a standardized working schedule for government offices in Metro Manila, particularly during peak hours, in reducing traffic congestion,” dagdag pa nito.