CAMP CRAME – INIIMBESTIGAHAN na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang kotse na ginamit ng mga nanambang kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr. noong Setyembre 12 sa San Carlos City.
Aalamin ng PNP-HPG kung carnapped ang dalawang sasakyan na inabandona ng mga mga suspek sa magkahiwalay na lugar kung saan ang isa ay narekober sa Brgy. Cubol, San Carlos City habang ang isa pa ay sa Brgy. Pasima, Malasiqui na pawang sakop ng Pangasinan isang araw makaraan ang pamamaril kung saan nakaligtas si Espino, subalit nasawi ang isa nitong tauhan.
Sinasabing tatlong sasakyan ang ginamit ng mga suspek at isa pang sasakyan na Wigo ay hinahanap pa.
Inaasahang ngayong araw ay mabibigyan ng linaw kung nakaw lamang ang dalawang getaway vehicle na una nang sinabi ni Col. Redrico Manahan, director ng Pangasinan Police, na hindi pa matukoy ang may-ari ng mga sasakyan.
Sa pagrekober sa mga getaway vehicle ay natagpuan ang dalawang M-16 armalite at mga face mask.
Samantala, maayos na ang lagay ni Espino, 71-anyos at naging kongresista ng ikalimang distrito ng Pangasinan.
Kahapon ay inihayag ni Pangasinan 2nd District Cong. Jumel Espino na nakalabas na ng ospital ang kanyang ama noong Sabado at nagpapagaling na lamang sa bahay.
Binisita pa sa Holy Blessed Family Hospital ni Sen. Ronald Dela Rosa ang matandang Espino makaraan itong masugatan sa pamamaril. EUNICE C.
Comments are closed.