PHNOM PENH – Nasisiyahan si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Dickie Bachmann at ang kanyang commissioners na sina Olivia “Bong” Coo at Fritz Gaston sa ipinakikita ng Filipino athletes sa 32nd Southeast Asian Games dito at umaasang maipagpapatuloy nila ang maagang tagumpay hanggang sa huli.
“So far, I’m very happy. It’s a good start, hopefully we can retain it,” wika ni Bachmann sa pakikipag-usap sa mga Filipino sportswriter na nagko-cover sa games.
Sa ikalawang sunod na araw ay nanatiling perfect ang obstacle course racers, pinangunahan ang six-gold medal charge ng Pilipinas nitong Linggo.
Nilagyan ng finishing touches ang mainit na kampanya sa fourday event, dinomina ng men’s at women’s relay teams ang kanilang mga katunggali, kinuha ang huling dalawang ginto upang makumpleto ang four-gold sweep, at pinagtibay ang kanilang status bilang pinakamahusay sa rehiyon.
Sa harap ng malaking crowd sa Chroy Chavrang Convention Center Car Park, nalusutan ng men’s quartet nina Ahgie Radan, Elias Tabac, Mervin Guarte, at Jay-ar de Castro ang lahat ng obstacles sa bagong global standard na 24.47 seconds upang gapiin sina Malaysia’s Ghalib Mohamad Azimi, Mohd Redha Rozlan, Nuur Hafis Said Alwi at Yoong Wei Theng, na naorasan ng 25.15.
Nauna rito, namayani sina Sandi Menchi Abahan, Mecca Cortizano, Milky Mae Tejares at Maritess Nocyao sa women’s category na may world mark na 33.73 laban kina Indonesia’s Anggun Yolanda, Ayu Pupita, Mudji Mulyani at Rahmayuna Fadillah (35.06).
Ang iba pang gold medals ay ipinagkaloob nina reigning duathlon queen Kim Mangrobang, ng women’s soft tennis squad ninaBien Zoleta-Mañalac at Princess Catindig, jiu jitsu fighter Marc Lim na sa wakas ay nagtagumpay sa kanyang ikatlong SEA Games, at karateka Jamie Lim, na bumawi mula sa bronze medal finish sa Vietnam noong nakaraang taon.
Napanatili ni Mangrobang ang korona sa 5k run, 20km bike at 2.5k run finale sa Kep Beach Resort, Zoleta Mañalac at nakumpleto ni Catindig ang championship sweep, tampok ang 5-2 victory kontra Chatmanee at Napawee Jankiaw ng Thailand sa women’s doubles finals, tinalo ni Marc Lim si Vietnam’s Dang Dinh Tung para sa men’s ne-waza nogi 69kg gold, at balik si Jamie Lim sa ibabaw rig SEA Games karate world nang madominahan ang rwomen’s -61kg women’s individual kumite sa Chroy Changvar Center Hall A.
Tinapos ng mga Pinoy, suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, ang araw na may 13 gold medals katabla ang Indonesia sa ikalawang puwesto, kasunod ang Vietnam na may 12.
Nangunguna ang first-time host Cambodia na may 25 gold, 19 silver at 19 bronze medals.
Ang mga Pinoy ay nakakolekta rin ng 14 silver medals, isa rito ay galing sa Gilas Pilipinas 3×3 men’s squads na yumuko sa Cambodian team, 15-20, na tinampukan ng tatlong naturalized players sa katauhan nina Brandon Peterson, Sayeed Pridgett, at Darrin Dorsey, dahilan para tawagin ni PSC Commissioner Gaston ang koponan bilang “US” team.
Natalo rin ang women’s 3×3 team sa Vietnam, 16-21, makaraang sibakin ang Thailand, 21- 19, sa emotional victory.
Nag-ambag din ang karate ng 4 silver medals para sa araw, mula kina kumite fighters Matthew Manantan (men’s -67 kg), Ivan Agustin (-84 kg), Remon Misu (-68 kg women) at Ariane Brito (+68kg women).
-CLYDE MARIANO