MALAKI ang papel na gagampanan ng Kongreso sa administrasyon sa harap na rin ng banta ng impeachment, kaya nangangailangan ng matatag na lider lalo sa House of Representatives.
Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple, mainit ang usapin ng West Philippine Sea at ang banta ng impeachment hanggang sa huling nalalabing tatlong taong termino ng Pangulo, kaya rito papasok na dapat mayroon itong maaasahang lider sa Kamara.
Ani Casiple, hindi man aminin ng Pangulo ay nararapat na personal pick nito ang magiging House Speaker ng Kamara.
Ang Makabayan Bloc ang nagbanta na mangunguna sa paghahain ng impeachment kay Pangulong Duterte kung saan ang kanilang magiging basehan ay ang naging statement ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang pagpayag ng administrasyon sa mga Chinese fishermen sa Philippine Exclusive Economic Zone ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon.
Matatandaan na ang Makabayan Bloc ang isa sa mga sinusuyo ni Speaker wannabe Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na makuha ang boto kasunod na rin ng mahigpit na laban nito sa Speakership sa pagitan nina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Inamin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na kinausap sila ni Velasco at maging ni Leyte Rep. Martin Romualdez, ngunit tumanggi silang ihayag kung ano ang kanilang napag-usapan.
Maging ang Liberal Party ay umaming sinuyo rin ni Velasco kung saan ang pagkakaroon ng Committee Chairmanship sa kanilang mga senior member ang isa sa pangako sa kanila.
Kaugnay naman sa usapin ng term sharing sa Speakership na tinanggihan ni Velasco, sinabi ni Casiple na naniniwala siyang nainis dito ang Pangulong Duterte at may malaking puntos na nawala rito kay Velasco.
Maituturing umano na pagtalikod din ito sa hangarin ng Pangulo.
“Kung may term sharing and umayaw s’ya, he has lost a lot there,” pagtatapos pa ni Casiple.