SOLO LEAD PAG-AAGAWAN NG HD SPIKERS, GRIFFINS

Standings W L
Cignal 2 0
NU-Sta. Elena 2 0
VNS 2 0
PGJC-Navy 1 1
Santa Rosa 1 2
Army 0 2
Ateneo 0 3

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – VNS vs Cignal
5:30 p.m. – PGJC-Navy vs Army

PAG-AAGAWAN ng Cignal at VNS-One Alicia, nakaipit sa three-way tie sa walang larong NU-Sta. Elena sa ibabaw ng standings sa 2-0, ang solong liderato sa Spikers’ Turf Open Conference ngayong alas-2:30 ng hapon sa Paco Arena.

Habang ang HD Spikers ay hindi pa natatalo sa set sa dalawang laro, ang Griffins ay dumaan sa back-to-back five-setters upang manatiling walang talo sa torneo.

“Lesson learned lang ‘yung sa amin. Siyempre, every kalaban, iba-iba sila ng strengths. Nakikita namin ‘yung mga flaws na kailangan naming i-work na pag-aralan,” sabi ni VNS coach Ralph Ocampo makaraang gapiin ang Santa Rosa, 25-23, 21-25, 22-25, 30-28, 15-13, noong nakaraang Sabado.

“Marami pang malalakas na team na makakalaban so mas paghahandaan iyon,” dagdag pa niya.

Isang major acid test para sa kampo ni Ocampo ang Cignal, na galing sa 25-15, 25-14, 25-19 pagdispatsa sa Army-Katinko noong nakaraang Sabado.

Batid ni Marck Espejo, ang top gunner ng HD Spikers, na may patutunayan ang Griffins sa match-up sa kabila ng matinding firepower na taglay ng defending champions.

“’Yung VNS, puro bata ang mga players nila,” sabi ni Espejo. “’Yung sa amin kailangan po namin na mas maging solid na Cignal team kasi. Although kailangan po maging prepared sa mga kalaban mo, kailangan ding maging prepared sa sarili mo.”

“I hope sa ikinikilos ng team namin ngayon sana ay mag-improve pa,” dagdag pa niya.

Kabilang sa young Griffins na babantayan sina Ben San Andres at Uriel Mendoza, na gumawa ng clutch plays sa pagbasura sa Lions.

Maghaharap naman ang PGJC-Navy at Army-Katinko sa isa pang laro sa alas-5:30 ng hapon.

Ang Sea Lions ay galing sa 25-17, 26-24, 19-25, 24-26, 16-18 loss sa Nationals noong nakaraang Martes para mahulog sa 1-1.