SOLO LEAD TARGET NG ATENEO

UAAP BASKETBALL

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

2 p.m. – UST vs UP (Men)

4 p.m. – Ateneo vs FEU (Men)

SISIKAPIN ng defending champion Ateneo na makopo ang solong liderato sa pagharap sa Far Eastern University sa rematch ng ‘Final Four’ noong nakaraang taon sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Pinakamainit na koponan ngayon na may limang sunod na panalo, batid ni  Blue Eagles assistant coach Sandy Arespacochaga na sasalang ang Tamaraws sa 4 p.m. match na puno ng kumpiyansa.

“We know the potential of FEU and their capability. So we have to make sure to come out with a good game plan. We will not take them for granted. We will not take them easily,” wika ni Arespacochaga.

Tatangkain naman ng University of the Philippines na tapusin ang first round campaign nito na may winning record laban sa University of Santo Tomas sa unang laro sa alas-2 ng hapon.

Gagawin ng Growling Tigers ang lahat upang manalo para sa may sakit na si Steve Akomo, ang Cameroonian slotman, na ayon sa school paper na The Varsitarian, ay naospital dahil sa head trauma na kanyang natamo sa isang laro, dalawang linggo na ang nakalilipas. Si Akomo ay na-sideline sa huling dalawang laro ng UST.

Galing sa 71-55 pagdispatsa sa mahigpit na katunggaling La Salle noong Sabado, ang Ateneo ay umaasang makakalas sa pagtabla sa walang larong Adamson sa unang puwesto sa 5-1.

Sumalo ang Eagles sa liderato makaraang ipalasap ng Tamaraws sa Falcons ang kanilang unang pagkatalo sa season sa pamamagitan ng 88-85 overtime victory.

Hindi makakasama ng Tamaraws, nasa solo third sa 4-2, si Arvin Tolentino, na pagsisilbihan ang kanyang one-game suspension dahil sa disqualifying foul sa huling bahagi ng regulation laban sa Falcons.

Ang Ateneo-FEU duel  ay nakatakda sanang laruin noong nakaraang Set. 15 su­balit nakansela dahil sa bagyong Ompong.

Ang Fighting Maroons ay nanalo ng back-to-back games upang tumabla sa Green Archers sa fourth place sa 3-3.

Umaasa si coach Bo Perasol na may natutunang leksiyon ang UP sa dikit na 89-88 panalo laban sa National University, kung saan nagmintis ito sa apat na foul shots sa huling bahagi ng payoff period  na muntik nilang ikatalo.

“I think we have to revisit on what we do on our free throw drills. But mostly, it’s going to be mental,” ani Perasol. “We know we are better than that if we want to live up by our own expectations.”