SOLUSYON SA PROBLEMA SA PABAHAY TUTUGUNAN NI BBM

Joe_take

ISANG napakatagal nang problema ng pamahalaan ang kakulangan ng ating bansa sa pabahay para sa ating mga low-income earner ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nabibigyan ng maayos na solusyon.

Sa taong 2022, inaasahan ng pamahalaan at ng industriya ng real estate na aabot ng 6.8 milyong units ang housing backlog sa buong bansa, at lalo pa itong tataas sa 22 milyon sa taong 2040 kung hindi masosolusyunan.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang populasyon ng bansa ay umabot na sa 109 milyon, o katumbas ng 24.8 milyong sambahayan.

Ito ang nag-udyok kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang isama sa kanyang plataporma ang “7-Day Takeout Policy” na naglalayong paigtingin ang proseso at pag-aapruba ng mga housing loan sa ilalim ng Pag-IBIG Fund ng Home Development Mutual Fund (HDMF). Aniya, karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng permanente at maayos na tahanan.

Matatandaang naitatag ang Pag-IBIG sa ilalim ng Presidential Decree No. 1530 sa administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang mabigyan ng national savings program at financing loan ang bawat manggagawang Pilipino.

Ayon kay BBM, kung siya ang papalaring manalo sa susunod na halalan ay maisusulong sa ilalim ng kanyang administrasyon ang programang maaaprubahan ang mga housing loan sa loob lamang ng pitong araw mula sa kasalukuyang tatlo hanggang apat na buwan.

“We recognize every Filipino family’s desire to have a decent and safe home. We will strive to provide the Filipino worker with a dwelling that will restore his dignity and his hope for a better future,” aniya sa isang pahayag.

“Unlike previous efforts, we will endeavor a whole society approach to tackle our growing housing problem. We need to have a convergence between all stakeholders as we institute regulatory and policy reforms,” dagdag niya.

Ang pagpapaigting sa pag-aapruba ng mga housing financing loans sa bansa ay hindi lamang magdudulot ng magandang epekto sa mga mamamayan at makapagbibigay sa kanila ng disenteng tirahan. Ito rin ay magdudulot ng magandang epekto para sa ating mga property developers, construction companies, lalong- lalo na sa ating ekonomiya, kaya  sa lalong madaling panahon ay kinakailangang paigtingin na ito.

Dagdag pa, makapagbibigay rin ito ng trabaho sa mas maraming mamamayan.

Matagal nang “overdue” ang planong suportahan ang housing industry sa pamamagitan ng pagpuksa sa housing backlog, at isang welcome development para sa atin na isa ito sa prayoridad ng isa mga tatakbong pangulo ng Pilipinas.

Bukod sa mabilis na pagproseso sa mga financing at housing loans, tila kinakailangan din ng incentives para sa mga property developer upang lalong ganahan ang bawat kompanya na iprayoridad ang paggawa ng socialized housing units.

Dagdag pa, habang ang lahat ng presyo ng raw materials ay patuloy sa pagtaas, higit na ring kailangan din ang mabusising pagsusuri sa mga guidelines sa pagtataas ng ceiling price sa kada unit ng low-cost housing segment.

Ang problema ng housing industry sa ating bansa ay hindi lamang problema ng kawalan o kakulangan sa tahanan, ngunit problema rin ito ng kakulangan sa suporta para sa ating property developers. Kinakailangan natin ng pamahalaan na susuporta at tutuon sa isyung ito.