TAHASANG sinabi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na hayaan ang taumbayan ang humusga at magsabi kung may nagawa o wala si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasabay nito, ipinauubaya rin ni Go sa publiko ang pagbibigay ng marka sa Pangulo pero para sa kanya 9 out of 10 points ang gradong ibibigay nito.
Ginagawa aniya ng Pangulo ang kanyang makakaya lalo na sa laban kontra sa COVID-19 pandemic bagama’t batid naman ng lahat na walang perpekto at hindi perpekto ang pangulo.
Binigyang diin pa ng senador, nangunguna sa maipagmamalaking katangian ni Pangulong Duterte ay ang “sincerity” niya sa pagsisilbi sa taumbayan at ang “compassion” niya sa bawat Filipino.
Iginiit pa ni Go, kung hindi si Duterte ang Pangulo ng bansa ngayon, posibleng mas mahirapan ang gobyerno na disiplinahin ang mga Filipino sa hinaharap na “challenge” ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya.
Kinontra ni Go ang mga nagsasabing maituturing nang lameduck president si Duterte.
Samantala, binatikos ni Senadora Imee Marcos ang lahat ng kritiko ng Pangulo sa SONA, na nagbibingi-bingihan at manhid sa malinaw na panawagan ng pagbabago sa bansa.
“Napakalinaw ng pahayag ng ating Pangulo sa kanyang SONA: Magbago o tuluyan nang maglaho! Siya ang mangunguna sa pagbabago laban sa napakaraming mga virus na namemerwisyo sa ating bansa – COVID-19, lahat ng uri ng korupsiyon, criminal syndicates, at mga sinauna at makapangyarihang oligarkiya,” paliwanag ni Marcos.
“Totoo na sa bawat krisis, lumilikha ito ng oportunidad. Dapat ang pandemyang ito ang magbigay sa atin ng pagkakataon para tuluyan nang mawalis ang mga bulok, at magamot ang sakit ng ating bansa at pagkalooban tayo ng magandang dahilan at lakas para tanggalin ang oligarkong mapang-api, at maiproseso ang tuluyang pagbabago sa Filipinas. Sama-sama tayong kumilos, magtrabaho at isalba ang ating bansa!” dagdag pa ni Marcos.
Binatikos nito ang reklamo ng mga kritiko ng Pangulo na umano’y kulang ang SONA sa tinatawag na roadmap to recovery, gayundin sa pagkanti sa mga oligarkong palpak ang serbisyo ng public utilities gaya ng telecom, koryente at tubig, kasabay ng patuloy na pamamayagpag sa mga katiwalian o korupsiyon, at talamak na ilegal na bentahan ng droga dahilan para manawagan siya na ibalik ang death penalty.
“Marami ang pumuna sa kawalan ng pinalawak na planong pang-ekonomiya sa SONA ng pangulo. Pero kung hahanapin lang ang mga masalimuot na pagtalakay sa micro-economics, talagang hindi kaagad ito mapapansin. Ang mga espisipikong mga panukalang batas na inaapela niya sa kongreso na ipasa ay bahagi ng roadmap sa recovery ng bansa na matagal na pinoproseso bago pa man mag-lockdown,” sabi pa ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.