SORPRESANG DRUG TEST SA HEALTH WORKERS SA CALABARZON

ISANG  sorpresang random drug testing ang isinagawa ng Department of Health (DOH) – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) sa kanilang health workers na nasa regional office sa Quirino Memorial Medical Center Compound sa Project 4, Quezon City.

Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, nais nilang matiyak na ang lahat ng kanilang health workers ay ligtas mula sa bisyo ng ipinagbabawal na gamot.

Ipinaliwanag ni Janairo na ang pagkalulong sa iligal na droga  ay may malaking epekto sa pagtatrabaho ng mga health worker dahil ito ay nagreresulta sa palagiang pagliban sa trabaho, katamaran at maaaring magdulot ng disgrasya sa kanilang ginagawa.

“A drug-free workplace fosters productivity, promotes safety, improves one’s performance and the company as a whole,” ayon pa kay Janairo.

Nabatid na isinagawa ang sorpresang random drug testing bilang suporta sa Republic Act 9165, o kilala bilang The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, o ang batas na nagsasaad ng pagpapatupad ng  drug free policies, programs at pagpataw ng multa para sa  mga drug related crimes and CSC Memorandum Circular No. 13, series of 2010 na may ti­tulong ‘Guidelines for a Drug-free Workplace’ sa burukrasya.

Ipinatupad ito ng DOH-Calabarzon Regional Office, Dangerous Drug Board (DDB),  National Research Laboratory, at ng Dangerous Drugs Abuse & Prevention & Treatment Program (DDAPT).

Ayon kay Janairo, target ng RDT ang may 300 empleyado ng DOH-Calabarzon.

Batay sa 2015 survey na isinagawa ng Dangerous Drug Board (DDB), aabot sa may 1.8 milyon ang drug users sa bansa at kar-amihan ay nasa urban area.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.