SOUTH KOREA ‘OUT’ SA NOVEMBER WINDOW NG FIBA ASIA CUP QUALIFIERS

FIBA 2021

NAGPASIYA ang South Korea na huwag lumahok sa nalalapit na window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers dahil sa banta ng COVID-19.

Sa report ni Min Joon-gu ng Naver News, minabuti ng Korean Basketball Association na huwag magpadala ng koponan sa second window, kung saan nakatakda silang sumabak sa isang ‘bubble’ sa Manama, Bahrain ngayong buwan.

“Considering the health of the national team, I thought it was right not to go to Bahrain,” sabi ng isang opisyal ng asosasyon.

Ang South Korea ay nasa Group A ng qualifiers kasama ang Filipinas, Indonesia, at Thailand. Nanalo sila sa kanilang dalawang laro sa first window noong nakaraang Pebrero upang manguna sa grupo.

Nakatakdang makasagupa ng South Korea ang Filipinas sa November 28 at  Indonesia sa November 30, kung saan lahat ng laro ay gaga-napin sa isang ‘bubble’.

Nagpasiya ang FIBA na baguhin ang competition format dahil sa global health crisis.

Samantala, hindi pa nakapaghahanda ang Filipinas para sa qualifying window dahil hinihintay pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang ‘go signal’ mula sa Inter-Agency Task Force.

Nagwagi ang Gilas sa kanilang nag-iisang laro sa  first window, 100-70, kontra Indonesia.

Comments are closed.