PLANO ng Philippine fencing team na magsanay sa South Korea bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam.
Sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum online edition kahapon ay sinabi ni coach Rolando ‘Amat’ Canlas na kinokonsidera ng Philippine Fencing Association (PFA) ang pagtungo sa naturang bansa na itinuturing na malakas sa fencing kung saan plano nitong magsagawa ng isang buwang training camp bilang paghahanda ng mga Pinoy para sa Nov. 21- Dec. 2 biennial meet.
Subalit dahil sa kasalukuyang travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Canlas na naghanda ang federation ng back up plan.
“‘Yung ginawa naming Plan B kasi mas mura ‘yun, is mag-send na lang ng Korean fencers dito para may makalaban kaming malalakas. Siguro mga 12 fencers ‘yun. ‘Yan ang second option,” wika ni Canlas.
Ang national coach ay sinamahan sa online Forum ni rising star Sam Catantan, na kasalukuyang nasa Pennsylvania kung saan bahagi siya ng Penn State University fencing team.
Kung walang pandemya, sinabi ni Amat na bukod sa Korea, ang mga fencer ay tutungo rin sana sa Hong Kong para sa isa pang two-week training bago ang SEA Games.
Aniya, malaki ang magagastos ng team dahil sa quarantine protocols na kailangan nilang sundin sa kanilang pagbiyahe.
“‘Yun ang papatay sa amin ‘yung quarantine. Like sa Hong Kong, ‘pag nagpunta ka sa kanila, 21 days ang quarantine, ang haba. So, doon pa lang ubos na ang oras mo. Sa Korea, ang problema naman 14 days ang quarantine nila,” sabi ni Canlas, idinagdag na may nauna na silang arrangement ng Korea hinggil sa muling pagsasanay sa naturang bansa tulad ng ginawa ng koponan bago ang 2019 SEA Games na ginanap sa Filipinas.
“E nung nagpunta lang kami ng isang buwan (2019), grabe na ‘yung ginastos namin doon. Plus ngayon isasama mo pa ‘yung quarantine,” anang national coach.
Subalit gaya sa paghahanda ng koponan para sa katatapos na Olympic Qualifying Tournament, ang Filipino fencers, kabilang si Catantan, ay muling sasailalim sa bubble training sa Ormoc City, kung saan kasalukuyang alkalde si PFA President Richard Gomez.
Ang federation ay magdaraos ng National Fencing Championships sa Superdome sa July 3-11 na magsisilbing qualifier para sa SEA Games, kung saan sisikapin ng koponan na mapantayan kundi man mahigitan ang dalawang gold medals na napanalunan nito, dalawang taon na ang nakalilipas. CLYDE MARIANO
251419 648411As I site owner I believe the articles here is really wonderful , thankyou for your efforts. 655354
751101 709573hey there, your internet site is fantastic. I do thank you for function 295650