Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – PGJC-Navy vs VNS (3rd Place)
5:30 p.m. – NU-Sta. Elena vs Cignal (Finals)
TATANGKAIN ng NU-Sta. Elena na makopo ang titulo kontra Cignal sa Game 2 ng Spikers’ Turf Open Conference Finals ngayon sa Paco Arena.
Tangan ang psychological edge makaraang magwagi sa opener noong Huwebes ng gabi, umaasa si coach Dante Alinsunurin na madidikta ng Nationals ang tempo sa 5:30 p.m. duel sa HD Spikers.
“Mindset lang talaga namin, noong simula nito (Spikers’ Turf) hanggang sa nandito kami ngayon, ang goal namin ay ang makuha ang championship,” sabi ni Alinsunurin.
Sa 25-21, 20-25, 25-23, 25-18 panalo ng NU-Sta. Elena, ang Cignal ay nagkaroon ng problema sa solid blocking at receiving ng katunggali.
Naglaro si rookie Mike Buddin na parang isang beterano sa Finals opener, kung saan tumapos ito na may 22 points, hataw si
Nico Almendra sa attacks, nagtala ng 17-of-34 upang tumapos na may 20 points, habang naiposte ni Congo’s Obed Mukaba ang lima sa 12 blocks ng Nationals.
Para kay HD Spikers coach Dexter Clamor, ang third set loss ang turning point ng laro.
“Siguro ‘yung ball distribution and yung block pa rin namin sa mga outside hitters nila. Talagang talented at magaling ang mga outside hitters nila. Kitang-kita sa stats. Kailangang-kailangang madepensahan, ma-block at ma-stop ang mga outside hiiters nila,” sabi ni Clamor.
“Tapos sa depensa, kailangan yung sistema namin, maibalik, yun talaga ang nawala. Kaya natalo kami ng third set,” dagdag pa niya.
Bagaman nagtala sina Louie Ramirez, Marck Espejo, Ysay Marasigan at JP Bugaoan ng double-digit numbers para sa Cignal, dinugo sila sa attack points.
Ang panalo ng HD Spikers ay maghahatid sa serye sa deciding Game 3 sa Martes.
Samantala, sisikapin ng PGJC-Navy na tapusin ang sarili nilang best-of-three series para sa third place ng VNS-One Alicia sa alas-2:30 ng hapon.
Winalis ng Sea Lions ang Griffins sa Game 1, 25-20, 25-19, 25-21.