NAAGAW ni Keldon Johnson ang bola kay Kevin Durant at kumana ng isang breakaway dunk sa huling 1.2 segundo ng laro habang naitala ng bisitang San Antonio Spurs ang huling anim na puntos upang maungusan ang Phoenix Suns, 115-114, nitong Martes.
Abante ang Suns ng 18 points sa halftime at 13 papasok sa fourth quarter. Hindi nagpabaya ang San Antonio, kung saan umiskor ng jumper si rookie phenom Victor Wembanyama upang tapyasin ang deficit sa 114-111, may 49 segundo ang nalalabi.
Nanguna si Johnson para sa Spurs na may 27 points habang nagdagdag sina Wembanyama at Devin Vassell ng tig-18.
Kumabig si Zach Collins ng 14 points at tumipa si Tre Jones ng 10 para sa San Antonio na nagwagi sa unang pagkakataon sa road.
Kumamada si Durant ng 26 points upang pangunahan ang Suns. Nagdagdag si Eric Gordon ng 20, gumawa si Grayson Allen ng 19, at tumapos si Jusuf Nurkic na may 12 points at 12 rebounds.
KNICKS 109,
CAVALIERS 91
Nagposte si Julius Randle ng double-double para sa bisitang New York, na lumayo sa second half upang gapiin ang short-handed Cleveland sa opener ng isang home-and-home set.
Tumabo si Randle ng 19 points at 10 rebounds para sa Knicks, na na-outscore ang Cavaliers, 51-39, sa second half.
Umiskor din si Jalen Brunson ng 19 points, at nagdagdag si RJ Barrett ng 16 points.
Nagbuhos si Donovan Mitchell ng game-high 26 points para sa Cavaliers, na naglaro na wala sina Darius Garland, Caris LeVert at Jarrett Allen. Sina Garland at LeVert ay wala dahil sa hamstring injuries habang si Allen ay hindi naglaro sanhi ng ankle injury.
CLIPPERS 118,
MAGIC 102
Nalusutan ni Paul George ang masamang simula upang kumamada ng 27 points, 7 rebounds at 7 assists at tulungan ang Los Angeles na mamayani kontra bisitang Orlando.
Nagmintis si George sa lahat ng kanyang anim na tira sa first quarter at 2-for-10 bago ang halftime. Gayunman ay isinalpak niya ang apat na ,3-pointers at umiskor ng 14 points sa third quarter kung kailan nakontrol ng Los Angeles ang laro.
Tumirada si Russell Westbrook ng 16 points sa period kung kailan na-outscore ng Clippers ang Magic, 41-21.
Nagposte si Paolo Banchero ng 15 points at 4 steals, nagdagdag si Franz Wagner ng 14 points at 8 rebounds at nakalikom si Moritz Wagner ng 13 points para sa Orlando, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan.