SPURS SINUWAG NG BULLS

NAGBUHOS si DeMar DeRozan ng 40 points at ipinagpatuloy ang kanyang historic scoring run nang madominahan ng Chicago Bulls ang bisitang San Antonio Spurs, 120-109, nitong Lunes para sa kanilang ika-4 na sunod na panalo.

Naghabol ang Bulls ng anim na puntos papasok sa  fourth quarter subalit nanalasa si DeRozan at naitala ang 13 sa sumunod na 15 points ng Chicago upang bigyan ang Bulls ng kalamangan. Hindi na muling nalamangan ang Bulls nang madominahan nina DeRozan at Nikola Vucevic ang huling bahagi ng laro.

Umiskor si DeRozan ng 30 o higit pang puntos sa pitong sunod na laro at nagtala ng franchise record sa kanyang ika-6 na sunod na laro na may hindi bababa sa 35 points, pinalitan ang markang naitala ni Michael Jordan sa 1996-97 campaign. Nagdagdag si Vucevic ng 25 points at 16 rebounds, habang tumipa si Coby White ng  24 points.

Nanguna si Lonnie Walker IV para sa San Antonio na may 21 points mula sa bench. Tumapos sina Doug McDermott at Dejounte Murray na may tig- 19 points, at nagbigay rin si Murray ng 11 assists.

CLIPPERS 119,

 WARRIORS 104

Kumana si Terance Mann ngseason-high 25 points at nag-ambag si Reggie Jackson ng 19 points, 9 assists at 8  rebounds para tulungan ang host Los Angeles na gapiin ang Golden State.

Kumubra si Ivica Zubac ng 18 points at 8  rebounds para sa Clippers na nanalo ng magkasunod sa ikalawang pagkakataon pa lamang magmula noong mid-January.

Naiposte ni Stephen Curry ang 26 sa kanyang 33 points sa first half para sa Golden State. Kumabig si Andrew Wiggins ng 13 points, at gumawa si Klay Thompson ng 7 points lamang habang nagtala ng  3 of 14 mula sa field at 1 of 5 mula sa 3-point range.

Sa iba pang laro, pinabagsak ng Jazz ang Rockets, 135-101; nilambat ng Nets ang Kings, 109- 85; ginapi ng

Nuggets ang Magic,121-111; namayani ang Wizards sa Pistons,103-94; giniba ng Thunder ang Knicks, 127-123 (OT); nadominahan ng Trail Blazers ang Bucks, 122-107; at pinataob ng Pelicans ang Raptors, 120-90.