SRP SA 8 BILIHIN IKINASA NA

IPINATUPAD na kahapon ng Department of Agriculture (DA) ang suggested retail prices (SRPs) sa walong agricultural products sa Metro Manila.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ang regular milled rice ay may SRP na P39 kada kilo.

Ang bangus ay nasa P150 kada kilo ang SRP; tilapia, P100 kada kilo; at galunggong, P140 kada kilo.

Nasa P95 naman ang SRP ng bawat kilo ng pulang sibuyas, P75 sa puting sibuyas, P70 sa kada kilo ng imported na bawang at P120 sa kada kilo ng lokal na bawang.

Sinabi ni Piñol na wala pang SRPs para sa iba pang pangunahing bilihin tulad ng karne, poultry products at mga gulay dahil kailangan pa itong isailalim sa konsultasyon.

Ipinabatid ni Piñol na may hiwalay na SRPs sa mga lalawigan dahil mas mataas ang supply ng ilang commodities doon  na magreresulta sa mas mababang presyo.

Nilinaw ng kalihim na hindi pangmatagalan ang SRPs dahil kailangan ding ikonsidera ang ilang kondisyon tulad ng panahon at epekto ng presyo sa mga magsasaka at mangingisda.

Habang ipinatutupad ang SRP, ang presyo ng mga bilihin ay maaari lamang tumaas ng hanggang 10 percent mula sa suggested price.

Ang mga lalabag sa SRP ay mahaharap sa parusang pagmumulta ng P1,000 hanggang P1 million, alinsunod sa anti-profiteering law.

Comments are closed.