UUMPISAHAN sa Metro Manila ang plano ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na magtakda ng retail price (SRP) sa bigas at iba pang produktong pang-agrikultura.Sa panayam sa radyo, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na para mas mabantayan ay titingnan muna nila ang SRP sa Metro Manila.
“Ang sabi ni [Agriculture] Secretary Manny Piñol, para mas ma-monitor, ang tingnan muna ay ang SRP sa Metro Manila. Umpisahan sa Metro Manila,” wika ni Lopez.
Nauna rito ay inanunsiyo ng DTI at DA na isang technical working group ang binubuo upang magsagawa ng pag-aaral sa kung paano magtatakda ng SRP sa bigas.
Ang planong maglagay ng SRP sa bigas at iba pang produktong pang-agrikultura ay nabuo sa gitna ng isyu ng kakulangan ng supply ng butil.
Sa pag-iinspeksiyon sa mga retail outlet ay natuklasan ng DTI at DA na ang mga rice retailer ay nagtatakda ng kanilang sariling presyo at walang sistema ng price verification.
Nilinaw ni Lopez na ang paglalagay ng SRP ay hindi isang uri ng pagkontrol sa presyo kundi magsisilbing basehan upang magkomento sa pagbabago ng mga presyo sa retail level.
Ang hakbang ay bilang tugon din sa reklamo ng mga mamimili na may ilang mapagsamantalang negosyante ang nagtataas ng kanilang presyo nang sobra-sobra.
Comments are closed.