Isa na namang korona ang nadagdag sa koleksiyon ng La Salle Lady Spikers makaraang tanghaling unang Shakey’ Super League (SSL) National Invitationals champion sa pamamagitan ng 25-19, 25-22, 25-17 panalo sa Game 3 kontra Adamson Lady Falcons. SSL PHOTO
WINALIS ng De La Salle University ang Adamson University, 25-19, 25-22, 25-17, sa Game 3 ng kanilang best-of-three finals series upang kunin ang Shakey’s Super League National Invitationals title nitong Linggo sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Hindi naglaro ang ilang key players tulad ni UAAP Rookie-MVP Angel Canino, naitala ng Lady Spikers ang back-to-back wins makaraang matalo sa Game 1.
Nanguna si Shevana Laput para sa Taft-based squad na may 13 points, habang nag-ambag sina Thea Gagate, Alleiah Malaluan, at Amie Provido ng tig-10 points.
“Sa amin, exposure ang hanap namin dito pero ito bonus na nag-champion. Maganda kasi kahit paano, nakita namin ‘yung mga kulang pa at kailangang i-adjust pagdating ng UAAP,” wika ni assistant coach Noel Orcullo.
Si Lucille Almonte ang nag-iisang tdouble-digit scorer para sa Adamson University na may 11 points.
Ang La Salle ay umabante sa finals makaraang dispatsahin angJose Maria College Foundation sa quarterfinals at ang University of Santo Tomas sa semifinals.
Matapos ang laro ay kinilala ang individual awardees na kinabibilangan nina Angeline Poyos ng UST, 1st Best Outside Spiker; La Salle’s Malaluan, 2nd Best Outside Spiker; La Salle’s Thea Gagate at Amie Provido, 1st at 2nd Best Middle Blocker, ayon sa pagkakasunod; Shevana Laput ng La Salle bilang Best Opposite Spiker; UST’s Bernadette Pepito bilang Best Libero; at Adamson’s Angeline Alcantara, Best Setter. Si Laput ang itinanghal na MVP ng torneo.
Si Laput ay may average na 20.3 points sa finals, tampok ang 30-point eruption sa Game 1 bago kumamada ng 18 sa Game 2.