SSL PAPALO NA

Mga laro ngayon:
1:30 – Opening ceremony
3 p.m. – UPHSD vs UST
5 p.m. – SBU vs AU

MAKARAANG magharap sa semifinals ng National Invitationals noong nakaraang buwan, ang University of Santo Tomas at University of Perpetual Help System Dalta ay muling magsasalpukan sa pagbubukas ng second season ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Preseason Championship ngayong Sabado sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.

Nakatakda ang laro sa alas-3 ng hapon kung saan sisikapin ng Golden Tigresses na mapagtibay ang kanilang dominasyon sa Lady Altas makaraang magwagi ng bronze medal sa inaugural national tourney ng SSL noong nakaraang buwan sa 2-0 sweep.

Sisimulan naman ng NCAA squads San Beda at Arellano U ang kanilang kampanya sa alas-5 ng hapon.

Isang simpleng opening ceremony ang gaganapin sa ala-1:30 ng hapon para sa ikalawang season ng liga.

“Maganda ‘yung campaign namin last time sa Invitationals.

Sana magtuloy-tuloy na maging avenue ito as we prepare for the big league,” sabi ni UST assistant coach Lerma Giron.

Muling magbibida sina young stars Angeline Poyos at Bernadett Pepito, itinanghal na First Best Outside Hitter at Best Libero, ayon sa pagkakasunod, sa National Invitationals para sa Golden Tigresses.

“Our first opponent is Perpetual so gusto namin bawat game isa-isahin. Marami pa kaming kailangan trabahuhin. We still have rooms for improvement.” Determinado naman ang Perpetual na bigyan ng magandang laban ang Kungfu Reyes-mentored UAAP power sa pangunguna ni NCAA MVP Mary Rhose Dapol.

Ang Lady Altas sa ilalim ni coach Sandy Rieta ay gumawa ng ingay sa National Invitationals makaraang sibakin ang two-time NCAA champio College of St. Benilde upang pumasok sa Final Four.

Ang lahat ng laro ay accessible sa lahat ng platforms live at ondemand sa pamamagitan ng social media pages ng Plus Network at SSL kasama ang Solar Sports, Blast TV at Aliw Channel 23 bilang TV partners.