Mga laro sa Sabado:
11 a.m. – CSB vs UST
2 p.m. – UE vs AU
KUMARERA ang Adamson sa Final Four makaraang walisin ang Arellano, 25-21, 25-18, 25-15, sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship quarterfinals nitomg weekend sa Rizal Memorial Coliseum.
Lahat ng players, maliban sa liberos, ay umiskor sa scattered attack para sa Lady Falcons na sinamantala ang kanilang win-once bonus para makabalik sa semifinals ng torneo.
Tumapos ang Adamson sa third sa inaugural season at magaan na naduplika ang kanilang tagumpay sa loob lamang ng 83 minuto kung saan 13 players ang umiskor, sa pangunguna ni Maria Rochelle Lalongisip na may 8 points.
Nag-ambag sina Ayesha Juegos, Jen Villegas at Antonette Adolfo ng tig-7 points, gumawa si skipper Lucille Almonte ng 5, habang umiskor sina Lorence Toring at Jimy Jean Jamili ng tig-5 points.
“We’re so happy and grateful na nakapasok po kami sa semis. Nakabawi po kami at naibigay po namin ‘yung best as a team. Ngayon, mas naibigay po namin ‘yung laro namin,” sabi ni Juegos, na nakopo ang Player of the Game honors sa 5 hits at 2 aces.
Makakaharap ng Lady Falcons ang reigning champion at undefeated National U, na namayani sa University of the East, 25-19, 25-21, 25-23, sa isa pang quarterfinal pairing, sa susunod na round.
Pasok na rin sa Final Four ang Far Eastern U makaraang pataubin ang Ateneo, 25-19, 25-18, 25-18, upang maisaayos ang knockout semifinal match laban sa NCAA champion College of St. Benilde o University of Santo Tomas.
Naipuwersa ng St. Benilde ang deciding game laban sa UST, na armado ng twice-to-beat advantage, sa kanilang quarterfinal duel kasunod ng 25-22, 23-25, 18-25, 25-23, 15-11 panalo.
Nakatakda ang rubber match sa Sabado sa parehong venue para makumpleto ang Final Four cast ng SSL Season 2 na suportado ng Commission on Higher Education at ng Philippine Sports Commission.
Magsasalpukan ang UE at Arellano, gayundin ang Ateneo laban sa matatalo sa St. Benilde at UST, sa classification matches para sa 5th-8th spots bago ang semis at best-of-three finals.