HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Philippine Competition Commission (PCC) na patawan ng mas matinding parusa ang ride-hailing giant Grab Philippines (Grab PH) dahil sa paulit-ulit na paglabag sa competition rules ng bansa magmula nang mawala ang Uber noong 2018.
Ginawa ni Gatchalian ang kahilingan makaraang matuklasan na apat na beses nang pinarusahan ng PCC ang Transport Network Company (TNC) dahil sa hindi pagtupad sa voluntary commitments nito sa anti-trust watchdog sa loob ng mahigit isang taon, na para sa senador ay hindi katanggap-tanggap.
Makaraang kunin ng Grab ang Southeast Asia operations ng Uber noong nakaraang taon, pinagmulta ng PCC ang Grab dahil sa paglabag sa mahahalagang probisyon ng Interim Measures Order (IMO) sa panahon ng merger review period ng PCC.
Ang Grab ay pinarusahan noong October 2018 dahil sa kabiguang mapanatili ang pre-merger conditions tulad ng pricing policies, rider incentives at service quality.
Pinagmulta rin ng PCC ang Grab noong January 2019 ng P6.5 million sa pagsusumite ng ‘deficient, inconsistent, and incorrect data’ para sa monitoring ng pagtupad nito sa voluntary commitments ng kompanya.
Noong November 14, inanunsiyo ng regulator na inatasan nito ang Grab na isauli ang ₱5.05 million na sobrang singil sa pamasahe sa mga customer na nag-book sa pagitan ng February at May 2019. Binigyan ng PCC ang Grab ng 60 araw upang mag-refund sa kanilang mga pasahero.
At nitong December 19, muling pinagmulta ng PCC ng P14.15 million ang kompanya dahil din sa kaparehong paglabag.
“Ilang beses nang nakitaan ng violation at sinita ng PCC ang pang-aabuso ng Grab sa ating mga commuter kaya naman sila ay madalas na pinagmumulta. Ang nakapagtataka, apat na beses na silang pinagmulta ng paulit-ulit sa loob ng isang taon,” wika ni Gatchalian.
“Parang lumalabas tuloy na dahil hawak nila ang 93% ng share sa industry ay puwede na nilang kontrolin ang merkado at ayos lang kahit na magmulta sila at lumabag sa itinakdang standards ng PCC,” dagdag pa niya.
“More than three times or four times na itong nangyayari kaya dapat maimbestigahan ito sa Senado dahil maliwanag na pang-aabuso ito. Iyong mga pangyayari noong 2018 and 2019 paulit-ulit na lang, kaya dapat tingnan na rin ng PCC ang buong sitwasyon at patawan sila ng mas matinding karampatang aksiyon.”
Ang PCC ang regulatory body na may mandatong ipatupad ang Republic Act No. 10667 o ang Philippine Competition Act (PCA), na naglalayong isulong ang economic efficiency para masiguro ang ‘fair and healthy’ market competition. PILIPINO Mirror Reportorial Team