STUCK SA TRABAHO KAHIT HOLIDAY?

TRABAHO

HINDI nga naman maiiwasang magtrabaho ang maraming empleyado kahit pa holiday. May mga trabaho rin kasing kahit na holiday ay hindi puwedeng itigil o ihinto. Nakatatamad pa namang magtrabaho kapag ang ilan sa kaibigan at kapamilya natin ay nagsasaya.

Pero dahil hindi naman maiiwasang magtrabaho ang ilang empleyado kahit na holiday, narito pa rin ang ilang tips para maggawa ang nakaatang na gawain at ma-enjoy ito:

MAGPLANO NG MAS MAAGA AT IPAALAM SA KAPAMILYA

Kung tutuusin ay mas gusto ng kapamilya o mahal natin sa buhay na manatili lang tayo sa bahay kapag holiday para makasama nila. Gustong-gusto rin namang mang­yari iyon ng marami sa atin. Kumbaga, kung puwedeng manatili na lang sa bahay at mag-enjoy kasama ang pamilya ay gagawin natin. Kaya lang, may mga bagay na kailangan nating isakri­pisyo. May mga bagay na kahit na mabigat sa ating loob ay kailangan na­ting gawin. Gaya na lang ng pagtatrabaho kahit holiday. Hindi nga naman kasi nagtatapos o natitigil ang isang trabaho o gawain kapag holiday.

Kaya naman, magplano ng mas maaga at ipaalam sa pamilya ang mga gagawin. Halimbawa ay kinailangan mo talagang pumasok sa holiday at hindi ka maaaring lumiban, ipaalam ito sa mga mahal sa buhay. Hingin o pakinggan din ang suggestion nila para makapag-enjoy pa rin kayo kahit na holiday at nasa trabaho kayo.

IPAGDIWANG ANG HOLIDAY SA IBANG ARAW

Puwede rin naman nating i-reschedule o ipagdiwang sa ibang araw ang holiday kung kinailangan talagang pumasok o magtrabaho. Oo nga’t marami sa atin ang importante ang mismong araw o petsa ng holiday at kailangang ipagdiwang ito. Pero kung talagang hindi swak sa schedule mo o may trabaho ka, maaari namang i-reschedule o mag-celebrate kayo ng holiday kung kailan ka puwede o available.

Hindi naman kaila­ngang swak o sakto sa petsa o araw ang gagawin ninyong pagdiriwang. Ang importante ay makasama at maka-bonding natin ang ating pamilya.

IWASAN ANG SOCIAL MEDIA PARA MATAPOS KAAGAD ANG GAWAIN

Sa mga hindi maiwasang magtrabaho kahit na holiday, para rin matapos kaagad ang gawain ay iwasan ang social media.

Hilig na ng marami sa atin ang social media. kasama na iyan sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Gayunpaman, mas makapagdudulot ng delay ang paggamit ng social media habang nagtatrabaho lalo na kapag holiday.

Hindi lamang matatagalan kang matapos ang iyong gawain, mas lalo ka pang tatamarin kapag nakita mong nag-post ang mga kaibigan mo’t kapamilya na nagsasaya habang ikaw ay nakiki­pagdigma at nagtatrabaho.

Kaya para maiwasan ang distractions, malungkot at magawa ng maayos ang bawat gawain, huwag na munang magpaabala sa social media. Itabi o iwasan muna ito nang matapos din kaagad ang mga kailangang tapusin.

MAGLAKAD-LAKAD KAPAG NALULUNGKOT

nakalulungkot nga namang magtrabaho habang ang karamihan ay nagsasaya. At sa tuwing dinadalaw ka ng lungkot at naiisip mong nagsasaya ang ilan, mainam na gawin ay ang maglakad-lakad na muna sa loob ng opisina. O kaya naman, makabubuti rin kung huminga ng malalim at mag-focus sa kailangang gawin.

Maging positibo rin sa kabila ng pagtatrabaho kahit na holiday. Tandaang may mabuti iyang naidudulot.

GUMAWA NG TO-DO LIST PARA MAPADALI ANG GAWAIN

Makatutulong din ang paggawa ng to-do list para mas mapadaling matapos ang mga kaila­ngang gawin.

Kung minsan kasi, lalo na kung wala naman tayong sinusundan o gabay sa mga gagawin ay sinasalakay tayo ng katamaran. Ipinagpapaliban din natin ang paggawa o pagsisimula ng mas maaga.

Kaya para maiwasan ang katamaran at higit sa lahat ay mapadali ang pagtapos ng mga gawain, mag-create ng to-do list.

Iwaan din ang multitasking. Tapusin muna ang isang gawain bago simulan ang iba.

TAPUSIN ANG  TRABAHO SA OPISINA

May ilan din namang trabaho na maaari nating tapusin o iuwi sa bahay. Gayunpaman, isa ito sa kailangan nating iwasan lalo na kung holiday. Kumbaga, nagtrabaho o pumasok ka na nga kahit na holiday, iuuwi mo pa ang trabaho mo sa bahay, paano na ang pamilya mo? Paano ka makapag-e-enjoy kasama ang mahal mo sa buhay.

Kaya naman, mainam kung gagawin o tatapusin ang lahat ng mga kaila­ngang tapusin sa opisina nang sa pag-uwi, wala ka nang gagawin kundi ang mag-enjoy na lang kasama ang pamilya.

IPAALALA SA SARILI ANG KAHALAGAHAN NG GINAGAWA

Huwag ding kaliligtaang ipaalala sa sarili ang kahalagahan ng iyong ginagawa. Oo nga’t kapag holiday ay marami ang hindi nagtatrabaho at nag-e-enjoy kasama ang pamilya o mahal sa buhay.

Gayunpaman, iba-iba rin kasi ang responsibilidad na nakaatang sa ating balikat na kailangan na­ting gampanan.

Kaya naman. imbes na malungkot ay isipin na lamang natin ang kahalagahan at kagandahang naidudulot sa atin, sa ating pamilya, gayundin sa kompanyang pinaglilingkuran ang sakripisyo o ginagawa nating pagtatrabaho.

MAG-ENJOY KAHIT NA HOLIDAY AT NASA TRABAHO

Holiday man at nagtatrabaho, pilitin o ugaliin pa rin nating mag-enjoy. Hindi natin kailangang malungkot sapagkat sa kabila ng ating ginagawa, kaakibat nito ang pagpapakita ng pagmamahal natin sa ating trabaho o sa trabahong mayroon tayo.

Masuwerte pa rin tayo kahit pa sabihing nagtatrabaho tayo kahit holiday. Marami riyan ang walang trabaho o nahihirapang maghanap ng trabaho. At least tayo, may trabaho tayo na kailangan nating mahalin at ingatan.

Comments are closed.