TAGUIG CITY – ARESTADO ang dalawang katao, kabilang ang isang sundalo, sa buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng sangay ng pulisya sa isang hinihinalang drug den kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director General Guillermo Eleazar ang mga arestadong suspect na sina Reynaldo Pulido, 43, aktibong miyembro ng Philippine Army (PA) at Fernando Tiongson, 53, ang nagmamay-ari ng hinihinalang drug den.
Sa ulat na natanggap ni Eleazar, nadakip sa isang buy bust operation ang dalawang suspects sa pinagsanib na puwersa ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng NCRPO, Southern Police District (SPD), Taguig City police, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa bahay ni Tiongson na nagsisilbing drug den dakong alas-5:00 ng hapon kamakalawa sa Sitio Matatag, Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Nauna rito, nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad makaraang makatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspects.
Makaraang magpositibo ang kanilang isinagawang surveillance operation ay agad na nagkasa ang mga ito ng buy-bust operation kung saan nagpanggap na buyer ang isang operatiba na bumili ng isang sachet na shabu na nagdulot sa pagkakaaresto ng mga suspect sa bahay ni Tiongson na nagsisilbing drug den.
Sa naturang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba sa mga suspect ng 7.5 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa limang sachets na nagkakahalaga ng P51,000 at mga drug paraphernalia.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ng mga suspect at kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng NCRPO-DEU. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.