(Sundalo, 3 pa arestado) POLICE ESCORT PATAY SA AREGLUHAN NG 2 ANGKAN

MAGUINDANAO- PATULOY na nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kung bakit nauwi sa pamamaril ang dapat sana ay pagkakasundo ng dalawang kilalang angkan sa lalawigang ito.

Patay sanhi ng tama ng bala sa ulo ang police escort na si Sgt Zahraman Mustapha Diocolano, taga-Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at nakatalaga sa Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao Del Norte Provincial Police Office.

Dinakip naman ng mga rumespondeng tauhan ng PNP at Marines ang apat na mga suspek na sinasabing responsable sa pamamaril.

Kinilala ang mga ito na sina PFC John Carlo Bravo Nocum, kasapi ng 2nd Mechanized Battalion, Philippine Army at escort ni Datu Kim Sinsuat, Jholex Padsod Buludan, Datu Ali Ibrahim Mongkar at Roufden Angkad Ameril na mga residente naman ng Datu Odin Sinsuat.

Nabatid na ang biktima ay escort naman ni Datu Odin Sinsuat Mayor Datu Lester Sinsuat.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na katatapos lamang ng pag-uusap ng nina Mayor Lester at pamilya ni Datu Jham Sinsuat sa bahay ni dating Congressman Datu Roonie Sinsuat sa Rosales St., Rosary Heights 6, Cotabato City nang biglang barilin ang escort ng alkalde sa labas ng compound nito kamakalawa pasado alas-2 ng hapon.

Sinasabing nag-ugat ang alitan ng dalawang maimpluwensiyang angkan matapos ang National at Local Elections noong 2022 kung saan nasawi sa pamamaril si Datu Jamael Sinsuat, Sr.

Agad naman rumesponde ang kapulisan sa nasabing pinangyarihan ng insidente, at nadakip ang apat na suspek. VERLIN RUIZ