SUPERMAN KAILANGAN NG BANSA

MASAlamin

PARANG kailan lang, ibinulong ni Pangulong Duterte kay Manny Pacquiao nang sila ay mapag-isa sa kalagitnaan ng pagdiriwang ng kaarawan ng world boxing champion: “I want you to become president.”

Maging ang respetadong National Artist, F. Sionel Jose ay isinulat ang sumusunod bilang suporta kay Manny Pacquiao sa pagka-Pangulo:

“Una – May pera si Manny para sa kampanya. Hindi niya kailangan pang maghagilap ng pondo; at bawat piso ng kanyang pera ay kanyang pinaghirapan, bugbog sa kanyang katawan.

Pangalawa – Matalino si Manny; kung saan man siya ngayon, pinaghirapan niya ang pagsasanay, dinisiplina ang sarili, pinag-aralan ang sarili, ang kanyang mga katunggali, ang kanilang mga kalakasan at mga kahinaan. Ang kanyang tugon, pinalakas ng katalinuhang ito, ay automatiko at mabilis.

Pangatlo – Umangat mula sa pusali ng karukhaan, naranasan niya ang kagutuman, ang kahirapan na siyang pinakamalalang suliranin ng ating sambayanan. Kung paano ito mawakasan, inaasahan ko na ito ang kanyang pangunahing pagtuunan ng pansin. Naririnig ko na kakaunti na lamang ang kanyang mga bisyo, kayang-kaya at maaaring alisin.

Pang-apat – Natagpuan ni Manny ang pananampalataya at relihiyon na nagbibigay sa kanya ng kalakasang moral at direksiyon. Senador na siya ngayon; tumambad sa kanya ang mga reyalidad ng kapangyarihang politikal, paano ito makamit, paano ito maaaring maabuso. Umaasa ako na ang karanasang ito sa Senado ay magpapakita sa kanya kung sino-sino ang mga tunay na kaaway ng sambayanang Filipino na nagsadlak sa kanila sa kahirapan. Ang oligarkiya  – umaasa ako na sa kaibuturan ng kanyang puso at isipan ay nauunawaan niya ito – na upang mapawi ang kahirapan sa bansang ito, kinakailangang wasakin, durugin o baguhin ang oligarkiyang ito at gapiin ang kanilang mga kaalyado sa politika.”

Sa ganang akin, taimtim akong naniniwala na walang Filipino na nagmamahal sa kanyang bansa nang higit pa kay Manny Pacquiao. Kahit gaano kaliit ang ating bansa, laging dinadala at iwinawagayway ni Manny ang ating bandila sa pinaka-maningning na liwanag at mga sandali ng kanyang karera. Tiniyak ni Manny na tanging ang pinakamahusay nating mang-aawit ang aawit sa ating pambansang awit. Sa totoo lang, si Manny ang muling nagpakilala sa Filipinas sa mundo at lubhang nagtagumpay sa hakbanging ito. Noong hindi pa sumikat si Manny, mangilan-ngilan lamang sa buong mundo ang nakakaalam sa Filipinas. Ang ating bansa ay mas kilala bilang MANILA.

Sa kanyang pagiging simple, sa kanyang simpleng pagmamalaki bilang Filipino, napapalapit si Manny sa halos lahat ng madla sa boksing at mga tagahanga sa buong mundo. WALANG FILIPINO

NA NAKAMIT ANG GANITONG PANDAIGDIGANG PAGKILALA. Ang mga “Hall of famer” mula sa iba’t ibang sports, tanyag na entertainers at mga host ng nangungunang TV shows, at kahit mga world leader ay bumibisita sa kanya upang makapag-“selfie” lamang sa kanya. Talagang karangalan sa ating bansa.

Bagama’t  karamihan sa atin ay may iba’t ibang opinyon,  nararapat lamang nating ikonsidera ang payo ng mas nakatatanda sa atin na may mahabang karanasan. Sa pagmuni-muni sa matalinong mga kataga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng National Artist F. Sionil Jose — ano ang mga napapala ng aking mga kauri, ng ating kapanahon? Nagkaroon tayo ng matalinong Pangulong Marcos at maybahay na hindi raw tiwali na Pangulong Corazon  Aquino. Mayroon din tayong President Ramos, President Erap, President Arroyo at isa pang President Aquino, pero hindi pa tayo nagkaroon ng tunay na People’s Champ gaya ni Manny Pacquiao. Hindi siya nanggaling sa tinatawag na political family, hindi siya nagmula sa Ivy league school o kahit sa anumang sikat na eskuwelahan sa Filipinas. Hindi rin elegante ang kanyang pagsasalita sa wikang English. Talagang “outside de kulambo” si Manny sa political oligarchy, ngunit maaaring siya na ang “saving grace” na makapanumbalik sa ating bansa sa naglahong kadakilaan.

Bakit ko naiisip na siya ang ating magiging dakilang kabalyero, ang ating bayani, ang “superman” na magliligtas sa bayan?

Tulad ng nabanggit kanina, ano ba ang nangyari sa sinasabing “magagaling” na naging Presidente? Umasenso ba ang Filipinas o napag-iiwanan ng mga karatig-bansa sa Asya?

Comments are closed.