(Suportado ng DBM)RIGHTSIZING SA GOBYERNO

SUSUPORTAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang i-rightsize ang gobyerno para sa “maliit, episyente at responsive workforce”, ayon kay Secretary Amenah Pangandaman.

Sinabi ni Pangandaman na layunin ng rightsizing na lumikha ng maliit na burukrasya na maliksi para makatipid sa pondo na maaaring magamit sa ibang bagay.

“Ang overarching objective nito [rightsizing] ay magkaroon ng maliit na burukrasya na agile at responsive sa makabagong panahon. Aayusin po ng programang ito ‘yung mga ahensiya na mayroong repetitive functions or overlapping functions,” ayon sa DBM.

Ayon sa bagong budget chief, tutukuyin ng panukala para sa rightsizing kung sino sa 187 government agencies at government-owned-and-controlled corporations (GOCCs) na may tinatayang 2 million personnel, ang maaaring i-streamline sa pamamagitan ng merging, restructuring o abolition

Tiniyak ni Pangandaman sa publiko na magbibigay-daan ang rightsizing para makatipid ang pamahalaan ng malaking halaga ng budget na maaaring gamitin para pondohan ang priority projects tulad ng pagtatayo ng mahahalagang imprastruktura, para sa sa social services, at mga programa sa health at agriculture sectors.

Ang mga maaapektuhang empleyado ay maaaring mag-apply sa mga posisyong lilikhain na epekto ng rightsizing.

Magpapatupad din ang pamahalaan ng retooling program para sa mga empleyado nang sa gayon ay makapag-aplay sila sa mga bakanteng posisyon.

Ang mga pipiliin namang magretiro na lamang ay makatatanggap ng nararapat na retirement benefits.