(Suportado sa Senado) LIBRENG COLLEGE ENTRANCE EXAM SA MAHIHIRAP

EXAM TIPS

SUPORTADO ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isinusulong na batas na mag-aatas sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo na gawing libre ang entrance examination para sa mahihirap na graduating high school students at mga kabilang sa top 10% na nagtapos sa secondary education.

Ayon kay Estrada, lumalawak na ang nakikinabang sa secondary education ng bansa base sa 2020 census na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpakita ng pagtaas ng bilang ng mga nagtatapos ng high school sa bansa.

“Ang pagdami ng bilang ng mga high school graduates ay marapat lamang na suportahan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng pagsisiguro ng patuloy na pag-aaral nila sa kolehiyo. Isang paraan upang makamit ito ay ang pagsasabatas ng ‘Free College Entrance Examinations Act,” ani Estrada kaugnay sa Senate Bill 2441 na kanyang isinusulong.

Ayon sa 2020 PSA census, mahigit sa 21% ng mga Pilipino ang nagtamo ng high school diploma, mas mataas sa 19% na naitala noong 2010 at 13.5% noong 2000.

“Ang hindi pagbayad sa entrance exam fee lamang na nakapaloob sa panukalang ito ay malaking bagay para sa mga mag-aaral natin, lalo na para sa kanila na nasa pribadong paaralan ang mga napupusuang kurso o para sa mga magaaral na ang pinakamalapit na paaralan sa kanilang tahanan ay pribadong institusyon,” pagbibigay-diin ni Estrada sa kanyang co-sponsorship speech.

Malaking pakinabang ang nasabing panukalang batas sa mga mag-aaral at paaralan habang pinalalawak nito ang opsyon ng mga magaaral sa papasukang institusyon, maaari itong makaambag sa pagtaas ng reputasyon at performance ng private higher education institutions (PHEIs) sa pagkakaroon ng high-achieving students.

Sa ilalim ng mga probisyon ng panukalang batas, kwalipikado ang mga magaaral na mula sa pinakamahirap na pamilya o nasa ilalim ng poverty line ayon sa itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dapat din na kabilang sa nangungunang 10% ng graduating class.

VICKY CERVALES