SURGE CHARGES NG TNVS DAPAT SIYASATIN

ANG PAGPASOK ng pandemyang COVID-19 sa ating buhay ay nagresulta sa pagkakaroon ng bagong normal.

Ipinakita ng pandemya na mayroon pang ibang paraan kung paano natin maaaring gawin ang ilang mga bagay na karaniwan nating ginagawa sa araw-araw gaya ng pamimili ng mga produkto at serbisyo, pagbabayad ng mga bills, pagdalo sa mga klase, at pagpasok sa trabaho.

Dahil sa pandemya ay natuto tayong gawin ang mga bagay na ito online dahil kailangang humanap ng paraan kung paano makapagpapatuloy ang buhay sa kabila ng krisis pangkalusugan na ito.

Sa pagsusumikap na maibaba ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw, kinailangan ng pamahalaan na gumawa ng mga mahihirap na desisyon kahit ang kapalit pa nito ay ang pagbagal ng ekonomiya at abala sa ibang mga konsyumer, partikular na sa mga mananakay. Nang ibinalik ang operasyon ng pampublikong transportasyon, ibinaba ang kapasidad ng mga sasakyan upang masunod ang social distancing. Bilang resulta, maraming mga komyuter ang tumangkilik sa serbisyo ng mga motorcycle taxi.

Ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang takbo ng ating buhay, nananatili pa ring patok ang serbisyo ng mga motorcycle taxi dahil bumalik na rin sa normal ang daloy ng trapiko sa bansa. Bukod sa mas madaling makalampas sa trapiko ang pagsakay sa motor, ‘di hamak na mas mura rin ito kung ihahambing sa regular na taxi. Nananatiling mahirap ang buhay para sa karamihan dahil sa epekto ng pandemya kaya hindi dapat ipagtaka kung bakit marami ang pumipili sa mas murang opsyon.

Upang matulungan ang mga konsyumer na may mga problemang pinansiyal, kinakailangang maging mapagmatyag ang pamahalaan ukol sa mga charges na ipinapataw ng mga operator ng nasabing mga pampublikong transportasyon. Kailangang siguruhin na hindi inaabuso ng mga operator ang mga konsyumer pagdating sa presyo ng kanilang serbisyo.

Mainam sana sa kompetisyon sa pagitan ng mga operator ng pampublikong transportasyon ang pagpasok ng mga bagong kompanya dahil ito ay maaaring magresulta sa pagbaba ng presyo ng pamasahe na siyang malaking tulong sa mga komyuter. Samakatuwid, magandang balita sana ang pagkuha ng Grab sa Move It subalit marami ang umalma sa usaping ito na siyang nagbigay-daan sa paglutang ng isyu ng overcharging ng Grab.

Nagsumite ng petisyon ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa pangunguna ni Atty. Ariel Inton sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) upang imbestigahan ang surge fee na ipinapataw ng Grab dahil aniya, walang malay ang mga komyuter kung kailan ito ipapataw ng kompanya, dahilan kung bakit sa pananaw ng abogado ay tila naaabuso ang mga komyuter.

Sa ginawang pagdinig, ipinaliwanag naman ng Grab na ang pagtaas sa presyo ng pamasahe nito ay alinsunod sa mga alituntunin ng LTFRB. Tila hindi naman tinanggap ng ahensya ang paliwanag na ito ng Grab dahil pinagsabihan nito ang kompanya. Batay sa karagdagang paliwanag ng Grab, tinataasan nila ang pamasahe upang maiwasan ang mga maiikling biyahe.

Sa aking personal na opinyon, hindi sapat na rason ang maiikling biyahe para taasan ang pamasahe. Hindi ba’t may mga pagkakataon na mas mainam pa para sa mga Grab driver kung maikli ang biyahe dahil kahit paano ay may pumapasok pa ring mga booking sa mga ito at hindi pa sila naiipit sa trapiko na karaniwang nagreresulta sa pagkaubos ng oras ng mga ito sa daan.

Hindi rin maiiwasan ang mga maiikling biyahe lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan. Tiyak na marami sa mga komyuter na kahit nakatira malapit sa mall ay mangangailangan ng serbisyo ng Grab kung ang pakay nito ay mamili ng mga pang-regalo lalo na kung mas madaling ibiyahe ang mga ipinamili kaysa bitbitin habang naglalakad papauwi. Mas ligtas din ito. Ako’y naniniwala na dapat pareho lamang ang charges na ipinapataw ng Grab sa mga komyuter, malayo man o malapit ang biyahe dahil parehong serbisyo lang naman ang nakukuha ng mga ito.

Nakatakda ang susunod na pagdinig sa ika-13 ng Disyembre kung saan inaasahang magpapaliwanag ang Grab ukol sa mga charges na ipinapataw nito sa mga pasahero. Tiyak na marami ang nag-aabang sa paliwanag ng kompanya lalo na ang mga komyuter na madalas gumamit sa serbisyo nito. Maging ang mga mambabatas ay nakatutok sa usaping ito lalo na nang aminin ng Philippine Competition Commission (PCC) sa nakaraang pagdinig na patuloy ang Grab sa pagtaas ng pamasahe sa kabila ng pangako nitong hindi ito maniningil ng sobra sa mga komyuter.

Sang-ayon ako sa ginagawa ng mga mambabatas at mga ahensiya na imbestigahan ang singil ng Grab lalo na’t papasok na rin ito sa industriya ng motorcycle taxi. Mahalagang masiguro na ang hakbang na ito ng kompanya ay talagang makatutulong sa mga komyuter at hindi magiging dagdag pasakit sa pinansyal na estado ng mga ito. Hindi masamang kumita mula sa negosyo dahil kung tutuusin, iyon naman ang pangunahing layunin nito subalit dapat ding isaisip ng mga kompanya ang kapakanan ng mga konsyumer.