KORONADAL CITY- NASAKOTE na rin ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-asawang senior citizen sa manhunt operation sa Purok Cabaylo, Barangay San Roque.
Sa ulat na nakarating kay P/Lt. Reynaldo Sotelo, hepe ng investigation section ng Koronadal City-PNP, kinilala ang suspek na si alyas Paul, 19, kamag-anak ni Erlinda Aquino, biktima.
Ayon kay Sotelo, ang suspek ay laborer ng mag-asawang Arturo at Erlinda Aquino na kapwa natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa Kidapawan City, Cotabato noong Lunes ng umaga.
Base sa salaysay ng suspek, wala itong galit sa mag-asawa subalit nagawala lamang ang krimen matapos iwan siya ng nobya at sinabihang makikipagbalikan lamang ito kung makakapatay siya ng tao.
Ayon naman sa 13-anyos na nobya ng suspek, itinanggi nito ang pahayag ni Paul sa halip ito umano ang nagsabi na handa siyang pumatay para sa kanya nang nakipaghiwalay siya rito, apat na araw na ang nakalipas.
Narekober din sa suspek ang dalawang kutsilyo at isa rito ang pinaniniwalaang ginamit sa krimen. MHAR BASCO