(Ni CT SARIGUMBA)
MADARAMA na natin ang paglamig ng panahon. Napipilitan na rin tayong magsuot ng makakapal na damit para lang mainitan ang ating katawan.
Isa nga naman sa napakahirap gawin ay ang paggalaw-galaw lalo na kapag malamig ang panahon. Masarap ding matulog kapag malamig ang panahon. Higit sa lahat, nakagugutom. Parang maya’t maya na lang ay naghahanap tayo ng makakain na makapagpapaginhawa ng nadarama nating lamig.
Bukod nga naman kasi sa pagsusuot ng damit na panlaban sa lamig, may mga pagkain ding maaari nating kahiligan na makapagbibigay init sa ating katawan.
Kumbaga, may mga pagkaing nakapagre-regulate ng ating body temperature.
Ngayong malamig ang panahon at nararamdaman natin kahit na nakasuot na tayo ng makapal na jacket, narito ang ilan sa mga pagkaing swak kahiligan o puwedeng subukan ng kahit na sino:
PORRIDGE AT SOUP
Masasabaw na pagkain, hindi nga naman iyan puwedeng mawala kapag malamig ang panahon.
Kapag nga naman tila nanginginig na tayo sa lamig, laging sagot upang maibsan ang ating panlalamig ay ang paghigop ng umuusok pang sabaw.
Isa nga naman ang porridge o lugaw sa matatawag na best food kapag malamig ang panahon.
Isa sa maaari mong subukan ang oatmeal porridge sapagkat nagtataglay ito ng nutrients na mainam sa katawan kapag malamig ang panahon.
Mayroon din itong zinc na importante sa immune function at soluble fiber na para naman sa heart health.
Perfect food din na maituturing ang soup kapag malamig ang panahon. Sa paghigop mo pa nga lang ng sabaw ay tiyak na giginhawa na ang iyong pakiramdam at maiibsan ang lamig na nadarama.
Pagdating naman sa soup, mainam kung gagawa ng chicken at vegetable soup. Mainam din kung ang gagawing soup ay lalagyan ng maraming garlic at ginger. Nakatutulong nga naman ang garlic at ginger upang malabanan ang kaliwa’t kanang sakit.
Kapag malamig pa naman ang panahon, hindi pa naman maiiwasang magkasakit ang marami sa atin.
PAGKAING MAYAMAN SA VITAMIN C AT A
Mga pagkaing mayaman sa vitamin C, isa pa iyan sa dapat nating kahiligan nang maiwasan natin ang pagkakaroon ng sakit kapag malamig ang panahon.
Para mapalakas ang immune system, kahiligan ang pagkain ng mayaman sa Vitamin C gaya na lang ng orange at sweet potatoes.
Mayaman din sa Vitamin A ang sweet potatoes. Nagtataglay rin ito ng calcium, potassium at iron.
Tandaan, mahalagang mapanatili nating malusog ang ating pangangatawan.
Kaya kahiligan na ang mga pagkaing mayaman sa Vitamin C at Vitamin A nang malabanan ang nagkalat na sakit sa paligid.
Habang malakas kasi ang ating pangangatawan ay hindi tayo basta-basta tatamaan ng sakit o mahahawa.
GINGER TEA
Mainam ding kahiligan ang pag-inom ng ginger tea kapag malamig ang panahon. Oo, kadalasang iniinom ng marami ang hot chocolate o kaya naman kape para maibsan ang lamig ng pakiramdam.
Gayunpaman, bukod sa mga nakasanayan nating inumin, maaari ring subukan ang ginger tea.
Kilala nga naman ang ginger bilang super food dahil sa taglay nitong thermogenic properties na tumutulong upang mapanatiling warm ang katawan.
Nakapagpapaganda rin ito ng sirkulasyon at blood flow.
DRY FRUITS
Mainam din ang pagkahilig sa dry fruits kapag malamig ang panahon. Ilan sa dry fruits na magandang kahiligan ang almonds, cashew at raisins.
Kaya naman kung malamig ang panahon at naghahanap ka ng makakain o mame-merienda, subukan ang dry fruits nang mapanatiling warm ang kabuuan.
EGGS
Isa pa ang itlog sa kabilang sa super food dahil isa itong powerhouse of energy. Mayaman din ito sa protina at bitamina na tumutulong upang mapanatiling warm ang katawan.
Lumalamig nga naman ang panahon. Kapag ganito rin ang klima ay hindi maiiwasang magkasakit ang marami sa atin. Upang mapanatiling malakas at malusog ang pangangatawan, subukan o kahiligan ang ilan sa mga pagkaing nasa itaas.
Maging maingat at malinis din sa katawan nang hindi dapuan ng sakit.