INAPRUBAHAN ni Presidente Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na ideklara ang Taal Volcano Island bilang “no man’s land,” ilang araw matapos ang pagputok nito na may mga kasamang paglindol at pagkabitak ng lupa.
Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año kahapon na ang pag-apruba ni Duterte ay bunga ng patuloy na paglilikas sa mga lugar na grabeng sinalanta ng pagsabog nitong Linggo.
Sa kanyang pagbisita sa isa sa mga evacuation center sa Batangas City nitong Martes, iminungkahi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat nang ideklara ang Taal Volcano Island bilang “no man’s island.”
“Huwag na tayong magpabalik ng tao doon dahil if there will be another explosion na more violent, I think all people there will perish in that island, Sir,” dagdag nito.
Una nang binalaan ng Pangulo ang mga residente na huwag nang bumalik muna sa mga iniwang tahanan.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay mahigit sa 50,000 katao ang naapektuhan ng pagputok ng bulkan.