NAKATAKDANG magpatupad ang mga kompanya ng langis ng malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong araw.
Sa magkakahiwalay na abiso, ang Chevron (Caltex), Flying V, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines, Seaoil, at Shell ay may dagdag na P1.90 sa presyo ng kada litro ng diesel at P2 sa kada litro ng gasolina.
Ang Chevron, Flying V, Seaoil, at Shell ay nag-anunsiyo rin ng price hike na P1.25 kada litro sa kerosene.
Ang adjustment ay kasunod ng paggalaw ng presyo ng krudo sa world market.
Sinimulan na ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at ng mga kaalyado nito na bawasan ang kanilang output sa 10 million barrels kada araw. Nagkasundo ang OPEC+ na tapyasan ang kanilang produksiyon hanggang sa susunod na buwan.
Bukod sa pagsipa ng presyo ng langis sa global market, ang Philippine government ay nagpataw rin ng dagdag na 10 porsiyentong buwis sa imported crude oil at refined petroleum products.
Ang karagdagang buwis ay gagamitin ng pamahalaan para pondohan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) response.
Comments are closed.