SIPAG, tiyaga, tamang diskarte, at ang pagkahilig ng karamihan sa pagluluto ay nagiging daan para makaisip ng mga kaparaanan ang ating mga maliliit na kababayan na kumita sa pagtitinda ng mga pagkain na maaari nilang ibenta sa kanilang mga kakilala at sa online.
Hindi lamang tamis, kundi alat, pait, at anghang ay tunay mong malalasap sa pagsisimula ng negosyo, gaya ng nakilala ng Pilipino Mirror sa pag-iikot sa lungsod ng Quezon ay napahinto kami sa nadiskubre naming crunchy chili garlic at pure chili oil sa kahabaan ng Tandang Sora.
Dito namin nakilala si Ate Kate, 40-anyos, may asawa at anak, at may-ari ng nasabing produkto.
Aniya, mula raw nang mag-lockdown ay hirap sila sa kanilang pamumuhay gayong may mga anak siya na dapat suportahan at magulang na dapat tulungan.
Isa pa sa nagpatindi sa sitwasyon ng kanilang pamumuhay ay nang mawalan siya ng trabaho at ang asawa nito sa kasagsagan ng pandemya.
Dahil sa malaki ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng lahat at gaya ni Ate Kate, nakaisip siya ng paraan kung paano kikita para maka-survive sa hirap ng buhay na dinadanas ng halos karamihan sa atin.
At ito nga ay gamitin ang kanyang kaalaman sa paggawa ng paborito nating kapartner sa kainan para lalo tayong ganahan, ang crunchy chili garlic at chili oil na talaga namang ginagawa pang-ulam ng iba sa atin.
Nagsimula si Ate Kate sa pamumuhunan na P3,000 at ito ay kanyang pinaikot sa pagnenegosyo sa paggawa ng chili garlic sauce at gourmet tuyo na talaga namang tinangkilik ng kanyang mga mamimili at maging sa online.
Sa katunayan, mahigit apat na taon na nila itong negosyo at dito rin sila kumukuha ng panggastos araw-araw ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay pumapabor sa kanila ang pagkakataon.
Nakararanas din sila ng pagkalugi ngunit hindi ito nagiging balakid sa kanilang disposisyon sa buhay.
“Nagsimula po ako sa Bagoong Alamang at Gourmet Tuyo lang and itong pandemic ko lang nagawa or nadagdagan ang products namin ng Chili oil, Crunchy Chili Garlic, Ginger-Lemon tea at lemon-butter chicken,”saad ni Ate Kate.
Aniya, sweet bagoong at crispy chili garlic ang kanyang unang ibinibenta at kalauna’y nag-try naman sila ng ibang variant o flavor na pumatok din sa panlasa sa kanilang mga customer at naging maganda rin ang outcome nito sa kanilang hanapbuhay at ngayon ay mayroon na rin silang produktong mabibili sa online.
Dahil patok ang online business, hindi na rin siya nahirapang ialok ang kanyang produkto dahil sa mga mabubuti nitong mga kaibigan na sila na rin mismo ang kanyang mga online seller at nagpapatikim sa mga umoorder sa kanila.
“Unang-una dasal, sipag at tiyaga tapos mag-post lang sa social media para makita ng mga tao, mag-alok sa mga kakilala. Dapat sure ka sa product mo na masarap para balik-balikan ka nila…at talaga namang ikukwento nilang masarap ang product mo,”dagdag ni Ate Kate.
Iba-iba man ang luto, lasa at rekado ng ating pamumuhay, walang imposible sa taong naghahangad pasukin ang pagnenegosyo basta’t handa kang lasapin ang pait, alat at anghang ng pagsasakripisyo hanggang sa matamo mo ang tunay na tamis ng iyong buhay.
Ika nga ni Ate Kate, “Basta tiwala ka sa lasa ng produkto mo, babalikan ka ng lahat.” REX MOLINES