SIMULA sa Disyembre 1, ang mga jeepney operator na nais mag-renew o mag-apply para sa bagong prangkisa ay kailangan munang magtanim ng puno bago makakuha nito, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB).
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2020-076, sinabi ng LTFRB na ang mga applicant na may 10 public utility vehicles (PUVs) na nais kumuha ng bagong certificate of public convenience ay kailangang magtanim ng puno para sa bawat unit na kanilang iaaplay.
Sakop din ng memorandum na inisyu noong Nobyembre 20 ang transport cooperatives at operators na nais palawigin ang kanilang umiiral na prangkisa.
Makalipas ang tatlong buwan, ang polisiya ay ipatutupad na rin sa lahat ng applicants na may unit na mababa sa 10.
Inaasahang makikipagtulungan ang mga operator sa kani-kanilang local government units o kalapit na tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tutukoy sa lokasyon ng kanilang tree-planting activity at magbibigay ng katibayan ng kanilang pagtalima.
Target ng LTFRB na makapagtanim ng may 50,000 puno sa unang tatlong buwan ng implementasyon ng kautusan.
Unang inihain ni Department of Transportation (DOT) Secretary Arthur Tugade ang rekomendasyon sa public briefing kay Presidente Rodrigo Duterte at sa iba pang Cabinet officials sa typhoon-hit Cagayan noong Linggo.
Plano rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magtanim ng may 200 million trees sa isang massive campaign sa susunod na taon bilang tugon sa mapaminsalang mga pagbaha dulot ng mga nagdaang bagyo.
Comments are closed.