(Target ng gobyerno) SUBSIDY SA MALILIIT NA RICE RETAILERS

BIGASAN

TINITINGNAN ng pamahalaan ang mga posibleng subsidiya at iba pang paraan para matulungan ang maliliit na negosyo na maaapektuhan ng price ceiling sa bigas.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero, binubuo na ang assistance program upang matulungan ang maliliit na traders at retailers hanggang sa maging matatag ang presyo ng bigas.

“‘Yung lead agencies naman dito, LGUs (local government units) and DILG (Department of the Interior and Local Government), tapos DA (Department of Agriculture), DTI,” sabi ni Uvero.

“Pagdating sa pagtulong sa maliliit na negosyante, DTI parati naman iyong lead agency diyan eh, so may mga pinag-uusapan na subsidies, ‘yung mga ganoon,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan si Uvero sa maliliit na negosyante na magsakripisyo muna para sa kapakanan ng mga consumer.

“Hinihingi ng pamahalaan ‘yung sakripisyo ng mga retailers na medyo tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami,” aniya.

Sa ilalim ng Executive Order No. 39 na magiging epektibo sa Martes, Sept. 5, ang price cap ng regular milled rice ay P41 kada kilo, habang well-milled rice ay maaaring ibenta hanggang P45 kada kilo.

Inaasahang malulugi ang maliliit na negosyo na bumili ng bigas sa mas mataas na presyo.

Gayunman, sinabi ni Uvero na sa kanilang pagtaya, posible ang ‘breakeven’.

“Based sa computation namin, puwede kasing ibenta pa na siguro hindi naman lugi, baka wala nga lang kita,” aniya.

“Kahit ‘yung pagod, hindi makabalik, pero at least ‘yung sa cost mismo noong capital makakaya pa.”

Ayon pa kay Uvero, ang price ceiling ay maaaring hindi umabot ng dalawang buwan, o hanggang sa dumating ang mga karagdagang rice supply para makatulong na mapatatag ang presyo. Dagdag pa niya, ang rekomendasyon na alisin ang price cap ay magmumula sa DA.

“It may be shorter than the usual 60 days,” paliwanag ni Usero. “It depends on the members and the studies, but it may be shorter even from the usual 60-day period from price freeze. Ito kasi price cap, ang price cap kasi walang fixed period.”

“May mga parallel importations na itinutulak ang gobyerno, lalo na ‘yung Indian rice, at papasok na rin ‘yung harvest season,” dagdag pa niya.

Tiniyak din ng trade official na tutugisin ng mga awtoridad ang mga hoarder at profiteer, na ayon sa pamahalaan ay nasa likod ng artificial rice shortage at price hikes.

-ULAT MULA SA CNN PHILIPPINES